Kawirduhan facts noong bata pa ako
(Matagal-tagal na akong hindi nakakagawa ng K-Fact na ‘to, mga 2 months na rin pala.)
KAWIRDUHAN FACT 9: May naaalala pa akong ilang mga ”weird first times”.
- Halls: Kauna-unahan kong nalunok na candy. Nangyari ito noong minsang kasama ko ang dalawa kong auntie sa Toys Section ng SM North Edsa. Habang pumipili ako ng laruang ipabibili ko sa aking auntie1, may kinakain ako noong candy. Lemon pa nga ang Halls na nasa bibig ko. Ang alam ko kasi ay lemon lang ang pinakasikat na flavor ng Halls noon. Maya-maya ay nagulat na lamang si auntie2 at nagkakagulo kami ni auntie1 sa isang tabi. Nalunok ko na nga kasi ‘yung candy. Akala niya tuloy ay nag-aaway kami ni auntie1 tungkol sa laruan.
- Letter V: Kauna-unahang letra na pinindot ko sa isang makinilya o typewriter. Dahil typewriter pa lang ang uso noon at wala pang computer, halos lahat ng bahay siguro ay meron nito. Habang nasa bahay ako ng aking lola, pinakita ng tito kong bakla ang typewriter nila at pinasubok akong i-type ang aking pangalan. Alden ang pangalan ko pero hindi ko alam kung bakit ang letrang V ang pinindot ko. At sa pagkakaalam ko ay ilang beses ko pa ulit pinindot ang letrang ‘yun. Akala ko kasi noon, isang letra lang ang pipindutin mo at makakabuo ka na ng gusto mong salita. Ako na ang inosente noon.
- Si inay: Kauna-unahan kong nakausap sa telepono. Nagpunta kami noon ng aking lolo at lola somewhere in Bulacan at may tinawagan si lola na isang importanteng tao. Hindi ko alam kung sino ‘yun pero pagkatapos ay inalok niya akong tawagan daw namin ang aking nanay na kasalukuyang nasa opisina noon. At nang makausap ko na ang aking inay sa telepono for the first time ay nagulat ako. Akala ko kasi ay naroon siya mismo sa loob ng teleponong ‘yon. At akala ko rin ay nakikita niya that time kung nasaan ako. Manghang mangha talaga ako noon sa isang simpleng telepono.
- Roderick Paulate: Kauna-unahang artista na nakita ko sa personal. Nangyari naman ito nang minsang magpunta kami sa Luneta kasama ng aking mga auntie at uncle sa father’s side ko. Pauwi na kami noon actually dahil gabi na, nang biglang mapadaan kami sa isang umpok ng mga miron na waring may sinisilip sa isang van. Pagkatanaw namin sa van na ‘yun ay nakita ko ang artistang si Roderick Paulate! May shooting kasi nung time na ‘yon at nakita naming mine-make-up-an si Kuya Dick para sa susunod na eksena. At dahil madalas gumanap si Kuya Dick na bakla sa kanyang mga pelikula, doon ko nakumpirma noon sa isip ko na talaga palang bakla si Kuya Dick dahil mine-make-up-an pa siya. (Adik talaga ako.)
At ‘yan ang ilan lamang sa mga naging weird first times ng aking childhood. (Wow. Ginanahan na naman akong magkwento. Isa, dalawa, tatlo… Sabaaaaw.)
Kawirduhan facts noong bata pa ako
KAWIRDUHAN FACT 8: Meron akong kakaibang pampalipas oras habang umuulan ng malakas.
Well, hindi naman talaga s’ya totally kakaiba. Kapag umuulan ng malakas gusto kong nakatambay lang sa bahay at umupo sa tabi ng aming bintana at magbasa ng Funny Komiks habang kumakain ng Nips. Para sa mga hindi nakakaalam, ang Funny Komiks ay isang pambatang komiks na usung-uso noong dekada 80’s hanggang sa mga kalagitnaan ng dekada 90’s. Dito rin sa komiks na ito sumikat ang mga characters na sina Eklok, Pitit, Tomas at Kulas, at si Combatron (Marahil hindi n’yo na alam ‘to dahil karamihan sa inyo ay bata pa. Hehe. Ako na ang matanda. LOL.). Ang Nips naman ay isang candy coated chocolate milk na sa tingin ko ay Pinoy version ng M & M’s. Sa kahon pa nakalagay noon ang Nips. Minsan mas gusto ko pang umupo sa sahig na malapit sa bintana habang nagbabasa ng komiks na ‘to at kumakain ng Nips. Ewan ko ba kung bakit ganun ang trip kong gawin kapag umuulan, pakiramdam ko kasi para akong nagpi-picnic sa loob ng bahay at trip ko kasing magbasa at kumain habang umuulan dahil malamig ang panahon. Wala lang. :D
Kawirduhan facts noong bata pa ako
KAWIRDUHAN FACT 7: Meron akong arrangement ng pagkain kapag kumakain ako sa fastfood.
Noon pa man, mahilig na akong kumain sa fastfood kasama ng aking inay o kahit na sinong mas nakatatanda sa akin. Madalas sa Jollibee o sa Mcdo kami kumakain. Sino ba naman ang batang hindi lumaki sa Jollibee at Mcdo, ‘di ba. At ang lagi kong pinapa-order ay burger, fries, ice cream sundae, at softdrinks. Pero hindi lang basta order ito na kakainin ko hanggang sa maubos o kaya naman ay ibibigay ko sa kasama ko kapag ayaw ko na. Hinahanay ko ang mga ito bago ako kumain. Uunahin ko munang kainin ang burger. Isa o dalawang kagat lang muna ang gagawin ko dito (minsan inaalis ko ‘yung pickles dahil noong bata ako hindi ako kumakain ng pickles kasi maasim). Isusunod ko dito ang French fries. Kukuha lang ako ng tatlo o apat na piraso at isu-shoot sa aking bunganga. Pagkatapos tsaka ako susubo ng dalawang kutsarang ice cream sundae. At ang huli ay sisipsip ako sa aking softdrinks (na kadalasan ay rootbeer). Matapos nito ay babalik ako sa pagkain ng burger, dadampot muli ng fries, sumunod ang ice cream, and so on and so forth. Paulit-ulit lang ang cycle na ‘to hanggang sa maubos ko ang lahat ng ‘to. Ewan ko ba kung bakit ganun akong kumain sa fastfood noon. Ako na ang weird. Ako na ang maarte. Ako na ang chuchu. At ako na ang nagugutom ngayon. \:D/
Kawirduhan facts noong bata pa ako
KAWIRDUHAN FACT 6: Ako ay isang cassette tape collector noon at iba’t ibang genres pa.
Okay, siguro naman lahat tayo nakakita na ng cassette tape. Bago pa pinanganak ang ating mga ipod at CDs, ito ang “in” noon. Ang dami kong casstte tapes noon, nakatago pa din ito hanggang ngayon. Noong elementary lagi akong hinihiraman ng mga classmates ko ng mga cassette tapes. Minsan pati si teacher humihiram. Hindi lang basta cassette tapes ha, lahat ng klase ng genre meron ako. Weird. Gusto n’yo ng pop diva? Meron akong Natalie Imbruglia, Janet Jackson, Samantha Cole, etc. Pop rock? Eraserheads, etc. Pati nga novelty meron ako eh, Lito Camo, Michael V, anyone? :D at marami pang ibang genre. Ewan ko lang ha, pero siguro dahil I love music (naks plastik). O kaya naman dahil sa impluwensiya ng musika sa aming pamilya. (May banda kasi ang tatay ko noon at ngayon naman ang utol ko.) At oo nga pala, ngayon ko lang naalala, nagkaroon din nga pala ako ng tape ni Geneva Cruz. Yes, you heard it right. Bwahaha. Geneva Cruz. (WTF Geniba! Ampfness to the extreme. Anak ng Pasig naman talaga oo.) ‘Yun lang.
Kawirduhan facts noong bata pa ako
KAWIRDUHAN FACT 5: Nag-imbento ako ng sarili kong basketball league noon na hawig sa PBA.
Four years old pa lang ako noon nang magsimula akong manood ng hilippine Basketball Association o PBA. Purefoods pa ang paborito kong team noon at si Jojo Lastimosa ang paborito kong player. (Sa Purefoods nagsimula si Jolas bago siya mapunta sa Alaska.) Idol ko talaga si Jolas noon kaya’t nagpagawa pa ako sa nanay ko ng wrist band ng katulad kay Jolas. Meron din akong maliit na basketball ring sa bakuran namin. Dahil siguro dito kaya naisipan ko noong gumawa o mag-imbento ng isang liga na hawig sa PBA. Tinawag ko pa nga itong PSA o Philippine Shooters Association. Wahaha. Shooters as in shoot the ball. (Ampf nagpaliwanag pa.) Naalala ko pang gumawa pa ako ng mga logo ng mga teams ko. Kung ano ang team sa PBA ay ganoon din ang sa PSA, ibang brand nga lang. Kung ang PBA may Alaska Milk, ako may Carnation Evap; kung ang PBA may Ginebra San Miguel, ako may Red Horse Beer; kung ang PBA may Purefoods Hotdogs, ako may Great Bite Hotdogs; kung ang PBA may San Miguel Beer, ako may Stag Pale Pilsen; kung ang PBA may Shell Super Unleaded, ako may Petron With XCS;and so on and so forth. Minsan naman kapag wala akong kalaro sa basketball nagto-toss coin ako para madetermined ko kung sino ang nanalo sa araw na iyon. Abnoy ‘di ba? Sa ngayon kuntento na ako sa panonood lang ng PBA. At wala na akong balak pang buhayin muli ang Philippine Shooters Association. Ano ako, adik? Hehe. :p
Kawirduhan facts noong bata pa ako
KAWIRDUHAN FACT 4: Naiyak ako noon sa Batibot.
Ahaha. Isang episode lang naman ito. Naalala ko noong kainitan pa ng children’s show na Batibot. Alam naman natin na ang Batibot ay isang educational show para sa mga bata. Tinuturuan nila ang mga batang bumilang, bumasa at kung anu-ano pang kagandahang asal. Pero hindi ko matandaan na tinuruan nila ang mga bata kung paano umiyak. Haha. Christmas special ata ng Batibot ang napanood ko noon. Tinuturo ni Kuya Bodjie sa mga bata ang ibig sabihin ng “X” sa X-mas. Noong una ay wala akong nararamdamang lungkot noon. Pero nang matapos ang Batibot at nagtanong ang nanay ko sa akin, doon ako naiyak. Tinanong niya ako kung matutulog na ako. Syempre sabi ko oo. Gabi na kasi noon. (Gabi nga pala ipinalabas ang Batibot na ito dahil isa itong Christmas special, medyo mahaba ang airtime.) Pero hindi ko napansin na tumutulo na pala ang luha ko noon. Tinanong ako ng nanay ko kung bakit ako umiiyak. Hindi ko matandaan kung ano ang response ko noon sa kanya. Hanggang ngayon hindi ko pa din lubos maisip kung bakit ako umiyak noong time na ‘yon. Hindi naman nakakaiyak ang tanong sa akin ng nanay ko. Ahaha. Hindi kaya siguro dahil sa ganda ng mensaheng ipinaabot ng Christmas special na ‘yon ng Batibot? Hindi naman nakakaiyak ang mga itsura nina Pong Pagong, Kiko Matsing at Manang Bola hindi ba?
Kawirduhan facts noong bata pa ako
KAWIRDUHAN FACT 3: Gusto ko noon ang kulay pink.
Ops! Pero hindi po ako badinggerzi. Hehe. Hindi ko alam kung bakit favorite color ko noong bata pa ako eh pink. Naalala ko pa noong nagpabili ako sa nanay ko ng Crayola 64 Crayons (ito ‘yung krayolang 64 pieces lahat-lahat na may kasama pang sharpener). Nakakatawa kasi ang habol ko lang namang kulay ay iisa: ‘Yung carnation pink. Wala kasing pink doon sa Crayola na 8 pieces at 16 pieces (pati sa 24 pieces din ata wala). At hindi pa d’yan nagtatapos ang aking pagkahumaling sa pink. Merong tricycle sa amin dati na ang salamin sa gilid ay transparent na medyo kulay pink (or medyo violet ng konti) kaya kapag sumasakay ako dito kasama ang isang nakatatanda eh lagi akong nasa tabi ng salamin na ito. Bwahaha. Gayness childhood. :p pero ngayon naman eh hindi ko na hilig ang kulay pink. Salamat naman. :p pero ayon daw sa teacher ng kapatid ko, madalas kapag sinabing pink ito ay associated sa babae at kapag blue naman ay sa lalake, pero hindi pala ganoon ang tama. Ang pink pala ay masculine color at ang blue ay feminine color. Ayon sa teacher nila. Ngek. Tama kaya ‘yun? Sabagay, ah kaya siguro pink ang male urinals ng MMDA. Sa tingin n’yo? Ewan.
Kawirduhan facts noong bata pa ako
KAWIRDUHAN FACT 2: Mahilig ako noon sa LRT.
Yepyep, you heard it right. LRT, as in Light Rail Transit. Four years old pa lang ako nun. Minsan sinasama ako ng nanay ko sa opisina nila sa Transmarketing (eto daw ung opisina ng delivery service ng Colgate-Palmolive). Sumasakay kami ng LRT magmula Monumento hanggang Pedro Gil. At ayon sa nanay ko, kapag nag-aabang kami ng LRT na sasakyan namin ay nilalabas ko pa ‘yung pocket calendar na may picture ng LRT. ‘Yung tatay naman ng kalaro ko nagtatrabaho sa LRT. Eh ‘yung asawa nun ka-officemate ng nanay ko kaya lagi akong may brochure ng LRT. At hindi lang ‘yun. Meron din akong laruan na plastic LRT na nabili sa palengke. Tapos kapag walang pasok ang nanay ko eh pinapasyal niya ako sa Baclaran. Bakit? Wala lang. Sinasakay lang niya ako sa LRT mula Monumento hanggang Baclaran tapos uwi na kami agad. Haha. Trip-trip lang. Para lang makasakay sa LRT. And lastly, lagi akong may drawing book at lagi ko ‘yong pinupuno ng mga drawing ng LRT. At meron pa nga pala! Kabisado ko noon lahat ng stations ng LRT from Monumento to Baclaran at in order pa ha. Ganyan ako ka-adik noon sa LRT. :p
Kawirduhan facts noong bata pa ako
I have a great childhood memory. Madami akong kakaiba at weird na mga bagay na ginagawa noong bata pa ako. kaya’t naisipan kong gumawa ng listahan nito. Wala lang. Masarap lang kasing balikan ang nakaraan, ang pagiging bata natin. Napakasimple ng buhay noon. Kain, laro, tulog. In short, masarap maging bata! ;)
KAWIRDUHAN FACT 1: Gumawa ako noon ng sarili kong komiks na ang pamagat ay “Pasa-Pasa Gawgaw”.
O ‘di ba? Pangalan pa lang weird na. Noong bata kasi ako lagi akong iniiwan ng nanay at tatay ko sa mga lola ko dahil pareho silang nagtatrabaho. Every week bumibili sila ng Manila Bulletin at every Tuesday bumibili sila ng Liwayway Gawgaw. (Ang Liwayway Gawgaw ay isang magasin na naglalaman ng mga nobelang komiks at iba pa.) Kung ako ang tatanungin ay hindi ko alam kung bakit “Pasa-Pasa” ang pangalan ng aking komiks pero alam kong ang “Gawgaw” ay nagmula sa “Liwayway Gawgaw”. Napakahilig ko kasing magbasa ng kung anu-ano kahit noong bata pa ako. Lalo na nitong Liwayway Gawgaw at ng pambatang komiks na “Funny Komiks”. Kaya nga lumabo ng ganito ang mata ko. Anyways mabalik tayo sa aking komiks. Ilan lang sa mga weird na kwento ng komiks ko: “Titingin sa Ulap, Bubukas ang Hinanakit”. Bwahaha. Hindi ko alam ang ibig sabihin nito. Imaginative talaga kasi ako noong bata ako.Ang isa naman ay “Madungis na Pag-ibig”. Wahaha. Hindi ko na matandaan ang istorya nito… At madami pang ibang weird stories. At hindi lang love stories ang ginawa ko. Meron ding comedy, ang “Siya ay Mabaho”. Bwahaha. Ang weird hindi ba? At may kulay pa ang komiks kong ito. Ang taray! :p Ganito ako noong bata ako. Creative. Share lang…