Burlesk Bangus

Ito ang lugar kung saan ang lahat ng bagay na bumibisita sa aking kaisipan ay inilalapat sa pamamagitan ng pagsusulat.

Ako si Alden, mula sa siyudad ng Valenzuela. Paborito ko ang mga bandang Eraserheads, Franco, Pupil, Sugarfree, Taken By Cars, Typecast, Urbandub, at mga libro na tulad ng Kikomachine Komix, Pugad Baboy, Beerkada, mga libro nina Bob Ong. Eros S. Atalia, Haruki Murakami, Paulo Coelho, Dan Brown, at marami pang iba. Mahilig ako sa cheeseburger, pizza, shawarma, chocolate at iced coffee.

Ikinagagalak kitang makilala. Bisitahin mo ako dito:

HOME | FACEBOOK | TWITTER | GOODREADS | BLOGSPOT | TUMBLR ASK | SUBMIT

Magbasa. Matuto. Maglibang.

| balik tanaw | books | conversations | GPOYW | kawirduhan facts noong bata pa ako | random facts about me | random photos | random thoughts | relevant lines | soundtrip muna tayo | thinking aloud | typographies |

Read the Printed Word!

Free Hit Counter

Anu-ano ang mga paborito mong chocolate drinks noong bata ka pa?

Kung meron lang sigurong pagkaing sumasagisag sa ating kamusmusan, ito na marahil ang tsokolate. Sino nga bang damuhong batang hindi nahilig sa masarap, matamis at nakakakiliti sa lalamunan bagamat nakakauhaw na tsokolate? Mahigpit ang bilin ng ating nanay noon na huwag panay na panay sa pagkain nito dahil baka sumakit ang ngipin natin o kaya’y maging suki tayo ng kubeta. Eh ano ngayon? Bring it on! Masarap naman kasi talaga ang tsokolate kahit na marami itong side effects.

Dahil dito, masasabing naging alternatibo na rin ang tsokolate bilang isa sa pinakapaboritong inumin ng mga bata. Bagamat mas rekumendado ng mga nanay (at ng mga doktor) ang pag-inom ng gatas, wala silang magawa dahil tulad ng pagkahilig sa chocolates kesa sa mga gulay at prutas ay mas gusto ng mga bata ang chocolate drink. Kahit anong pagkain basta’t sangkot ang tsokolate, siguradong mas pabor ito sa kanila. Isang halimbawa diyan ay ang pagkakaroon ng dalawang magkaibang uri ng pagkain. Kapag may sakit ang bata, natural na mas pipiliin nila ang gamot o syrup na chocolate flavor kesa sa mga gamot na lasang stainless steel. Pagdating naman sa mga kilalang panghimagas, mas gusto nila ang chocolate cake at ice cream kesa sa ibang flavors nito (bagamat may ilan pa ring mas gusto ang ibang flavors gaya ng strawberry, tulad ng pinsan ko). Basta’t may pagpipilian, mas gugustuhin nila ang tsokolate kaysa ibang pagkain. Para bang sa tsokolate lang umiikot at iikot ang kanilang buhay. Kulang na lang, mag-amoy tsokolate ang utot nila at butil-butil na tsokolate ang iluha ng kanilang mga mata (napansin kong ang hilig ko sa ganitong statement at paulit-ulit ako).

Dahil likas na sa mga bata ang pagkahilig sa chocolate, masasabing naisip ng taga-gawa ng mga pagkain at inumin na gawing alternatibo ang chocolate drinks bilang pamalit sa mas nirerekumendang gatas sa pamamagitan ng paglalagay ng mga masusustansiyang bitamina at mineral sa chocolate drinks na ito na sa totoo lang ay ewan natin kung talaga bang may bitamina ito o baka front lang nila ito para bumenta ang kanilang produkto sa merkado (basahin mo ang pangungusap na ito at tiyak na kakapusin ka sa hininga!). Pero ang katotohanan ay marahil nais lang nilang gumawa ng inuming masustansiya and at the same time ay magugustuhan ng mga bata tulad ng chocolate drinks, instant man ito o tinitimpla.

Sa totoo lang, matagal nang merong chocolate drinks. Sa katunayan, ang pag-inom nito ay isa sa mga ritwal sa korte sa bansang France noon pang 18th Century (Ewan ko lang kung paano ito isinasagawa. Siguro, paiinumin ng balde-baldeng chocolate drink ng abogado ‘yung kliyente niyang suspek sa krimen bago ang hearing sa korte para sumakit ang tiyan nito at maantala ‘yung hearing. Komedya guys, komedya).

Dito sa Pilipinas, hindi ko alam kung ano ang kauna-unahang brand ng chocolate drink. Pero alam ninyo ba ‘yung Magnolia Choco-Vim at nakatikim na ba kayo nito? Pare-pareho lang siguro nating hindi naabutan ito kaya hindi ko alam kung bakit nagtatanong pa ako kung nakatikim na kayo nito. Hindi ko na rin alam kung kailan na-phased out sa merkado ang inuming ito. Sabi pa ng tatay ko, bago magkaroon ng Magnolia Chocolait ay ito ang chocolate drink ng Magnolia at talagang masarap daw ito.

Pagtuunan natin ng pansin ngayong gabi, mga bata, ang mga tsokolateng inumin na de timpla. Para sa mga mas nakababatang henerasyon lalo na sa mga batang nagkamalay noong dekada nobenta, dalawang brand lang ng chocolate drink ang patok — Milo at Ovaltine. Aminin man natin o hindi, meron tayong malaking lata ng Milo o Ovaltine noon sa ating mga kusina. Patunay lang ito na naging household brand na rin ang Milo at Ovaltine.

“I’m getting ready, get ready… Oh boy, what a day this gotta be! I need energy… The olympic energy! A Milo a day, Milo everyday!”

“Great things start from small beginnings… Growing up with olympic energy. Growing up with Milo! Milo everyday!”

“The Olympic Energy Drink”. Ito ang tagline ng Milo. Halos hindi ito nagbago simula pa noong dekada nobenta (o otsenta), katulad ng lyrics na inyong nabasa bago ang paragraph na ito (walang kinalaman ang video sa lyrics pero parang meron na rin dahil patalastas naman ng Milo ‘yan. Ano daw?). Isa ito sa pinakasikat na tagline sa kahit anong commercial noon. Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin sa pagbibigay ng ‘enerhiya’ ang chocolate drink na ito. Dahil dito, masasabi nating ito na siguro ang pinakamasarap at pinakapatok na chocolate drink na tinitimpla. Milo everyday!

Hindi kalimot-limot ang paraan ng Milo sa pagpapakilala nito sa merkado. Mala-sports ang datingan nito dahil laging may picture ng athlete o sportsman sa bawat lata at pakete ng Milo (kaya kung walang imahe ng athlete ang Milo ninyo, peke ‘yan! LOL). Isa pang masasabing trademark ng Milo noong dekada nobenta ay ang pagkakaroon nito ng free collectibles na may kinalaman pa rin sa sports tulad ng plastic na tau-tauhang PBA players na may pantasa sa ilalim at ‘yung hindi ko makakalimutang Milo 3D cards na hinangaan ko nang wagas dahil hanep gumagalaw ‘yung litrato ng athlete! Magic (kuno)!

Kung tutuusin, talaga namang maganda at epektibo ang mga ginawang promotions ng Milo sa kanilang naturang produkto. Angkop nga naman kasi ang Milo sa sports dahil lagi nilang ipinagmamayabang na makapagbibigay ng sapat na enerhiya ang sinumang uminom nito.

Isa pa sa pinaka-memorable sa Milo noong dekada nobenta ay ‘yung kapag may truck ng Milo na dumadalaw sa eskwelahan ninyo at namimigay o nagpapainom sila ng libre. Aminin mong magkaiba ang lasa ng Milo sa eskwelahan at Milo na tinitimpla ni nanay sa bahay ninyo. Marahil nabasa ninyo na ito sa ilang sites at mga nagkalat na articles (‘yung “90s Kid Ka Ba?” oink-oink) at totoo ito. Mas masarap talaga ang Milo na gawang paaralan kesa sa gawang bahay. Sa tingin ko, mas maraming gatas ang Milo na pinamimigay sa eskwela para lalong maging malusog ang mga bata. Kahit kailan talaga, epal ang gatas na ‘yan, ano?

Kung ako ang tatanungin, ang pinakagusto kong produktong ginagawa sa Milo ay ang ice candy. Hindi lang basta Milo ice candy, gusto ko ‘yung gawa ng lola ko. Walang tatalo sa Milo ice candy ng lola ko noon. Ay nako, sinasabi ko sa inyo, makakalimutan mong nag-eexist ka sa mundo kapag nalasap mo ang sobrang sarap na Milo ice candy ni lola. At hindi lang basta sa plastic ng ice candy nakalagay ‘yon, kundi sa isang malaking lyanera (parang ‘yung pinaglalagyan ng leche flan pero mas malaki pa doon). Isang malaking lyanera ng Milo ice candy na sinangkapan ng pagmamahal ni lola, at akin lang lahat ‘yon forever (dahil wala pa akong kapatid o mas nakababatang pinsan noong mga panahong ‘yon). Sarap! Mas pinasarap pa ang pagkain ng ice candy habang nagbabasa ng Funny Komiks. Aaah! Perpektong buhay ng isang batang 90s!

Isa pang masarap gawin sa Milo ay ang pagpapak sa powder nito. Aminin mo, pinapalaman mo ito sa tinapay noon at kapag walang tinapay ay pinapapak mo mismo ang Milo! Gawain ko ito mula noon hanggang ngayon. Natutunan ko ito sa pinsan ko nang minsang makikain ako ng meryenda sa kanila. Sa paglipas ng panahon, natutunan ko na ring lagyan ng asukal ang pinapapak kong Milo powder, at kung minsan naman ay nilalagyan ko ng chocolate syrup ang tinapay kong may palamang Milo (hello diabetes). Nakakamiss magpalaman ng Milo sa tinapay, ano?

Kung nais mong mapanood ang ilang classic commercials ng Milo, pindutin lamang ang links na makikita sa ilalim ng larawan (sa may lyrics). Enjoy!

“That’s Ovaltine power… Ovaltine!” (tampok ang batang si Patrick Garcia)

“Eh kung walang water? Masarap pa riiin!” (panoorin ninyo ‘to, ang cute! LOL)

Naniniwala akong ang lahat ng bagay ay may counterpart. Sabi nga nila, kung nasaan ang daga, naroon ang pusa. Kung may branch ng Jollibee, dapat ay may McDonald’s sa tapat nito. Kung may bagong palabas ang ABS-CBN, aba dapat gayahin din ito ng GMA 7 (as in gayang gaya). Kung may Tumblr si David Karp, may naimbentong Publr si (sino ba ang founder nito at kamusta na kaya ito? LOL). Kaya naman nagkaroon ng karibal ang Milo — ang Ovaltine. Kung tutuusin, mas nauna talaga ang Ovaltine. Yun nga lang, mas sumikat ang Milo lalo na sa mga bata.

Kapag tinanong ninyo ang inyong mga magulang sa kung alin ang mas masarap, nakikinita kong Ovaltine ang kanilang pipiliin. Siguro, sa Ovaltine kasi sila nasanay. Kung masyadong matamis ang Milo o kaya’y mas masarap ang pagka-tsokolate ng Ovaltine para sa kanila ay sila na lang ang nakakaalam ng tunay na dahilan. Hindi talaga natin alam kung ano ang elemento meron ang Ovaltine at bakit mas gusto ito ng matatanda. Pero sa palagay ko, nagustuhan nila ang Ovaltine dahil sa pagiging puro nito kapag tinimpla. Kung hindi kasi ako nagkakamali, minsan ay may buo-buo pang powder ang Milo na hindi natunaw nang basta-basta kapag tinimpla mo. Sa Ovaltine, wala, as in pino talaga ang pagka-tsokolate. Sa palagay ko lang naman ito. Sa sobrang tagal ko na kasing hindi pag-inom ng chocolate drinks eh maski ‘yung pagkakaiba ng lasa ng Milo at Ovaltine, nakalimutan ko na. Pero sa madaling salita, kung ang Milo ay for kids, ang Ovaltine naman ay for adults.

Para mas lalong umangat, gumawa pa ng candy ang Ovaltine na nakilala natin bilang Ovaltinees na sobrang tigas at madikit sa ngipin kaya nakaka-badtrip kainin. Siyempre hindi sila papayag na matalo dahil ang Milo ay nagkaroon na ng ice cream, chocolate bar, cereals, shakes, condoms (‘de biro lang) at kung anu-ano pang pagkaing may sipa ng Milo. Kulang na lang, gumawa sila ng Mechadong Milo o kaya’y Ginataang Ovaltine (eto na naman ako).

Sa totoo lang, parang labanan na rin sa pagitan ng dalawang kulay ang nangyari sa dalawang pamosong chocolate drinks na ito — ang berde ng Milo laban sa kahel ng Ovaltine. Parang asul ng Ateneo laban sa berde ng La Salle. Parang asul ng Facebook laban sa kahel ng Plurk laban sa berde ng Friendster (SLN). Ang hilig ko talaga sa mga tapatan ngayon.

Talaga nga namang kung nasaan ang daga, naroon ang pusa. Ewan ko lang kung sino sa dalawang chocolate drinks na ito ang pusa at daga.

Kung nais mong mapanood ang ilang classic commercials ng Ovaltine, pindutin lamang ang links na makikita sa ilalim ng larawan. Enjoy!

+++

Minarapat kong hatiin ang sanaysay na ito dahil napakahaba. Baka end of the world na pero hindi pa kayo tapos magbasa (kung meron mang magbabasa nito). Abangan sa susunod na Sabado (o kung kailan ako ulit sisipaging magsulat) ang kuwento ko tungkol sa ilan pang sikat na chocolate drinks tulad ng Magnolia Chocolait at Sustagen. Yehey!

Umiinom ka rin ba sa Coleman noong bata ka pa?

Tubig ang isa sa pinakaimportanteng pangangailangan ng ating katawan. Mawala na ang lahat, huwag lang ang tubig. Kung iisipin, mas mahalaga pa ito kesa sa pagkain. Ayon kasi sa isang pagsusuri (na hindi ko alam kung totoo) ay maaaring tumagal ang isang normal na tao ng tatlong linggo na walang kinakain pero tatlong araw lang ang tinatagal nang walang tubig. Kahit sa pagluluto, kailangan ng tubig.

Hindi ko alam kung anong hiwaga meron ang tubig at kung bakit nakakabusog ito, lalo na kapag nakarami ka ng inom nito at pakiramdam mo ay bumibigat ang tiyan mo. Pero seriously (naks), mahalaga talaga ang papel ng tubig sa ating katawan dahil pinapanatili nitong maayos ang temperatura ng ating katawan at pinaliliit din nito ang tiyansa na magkaroon tayo ng Urinary Tract Infection o UTI. Marami pang benefits ang tubig sa ating katawan kapag binisita mo ang site na ito at hindi ko na babanggitin pa ang lahat ng ‘yan dahil hindi naman talaga tungkol sa kalusugan ang kuwento ko ngayon.

Sa ating pagpasok sa paaralan, lagi tayong nagbabaon ng tubig. Noong nasa kindergarten ako, Wizard Of Oz pa ang disenyo ng baunan ko kahit sa totoo lang eh bihira lang akong magbaon ng tubig at laging ice-cold Milo ang aking panulak. Karaniwan na sa mga mag-aaral sa pre-school ang magkaroon ng ganitong klaseng baunan. Pero pagtungtong ko ng elementary, unti-unti kong napapansin ang isang plastik na water jug na karaniwang dala ng mga kaklase ko. May malaki at may maliit, madalas ay kulay asul, pula at berde ang katawan, kulay puti naman ang takip, merong hawakan, at merong “lawit” sa mismong takip nito na iniaangat kapag gusto nating uminom.

Marami mang klase nito pero isang brand lang ang tumatak sa ating lahat, at ito ay ang Coleman. Sino nga bang mag-aaral ang hindi gumamit, nagdala at nakiinom dito? Marahil ay isa ako sa mga batang bihirang nagdadala nito dati sa eskwelahan kahit na uhawin pa ako. Ayoko kasi ng masyadong maraming dalahin. Nagdadala lang ako nito kapag Field Trip namin.

Hindi lang naman tubig ang maaaring ilagay sa Coleman. Hindi porke’t tinawag na water jug ay para lang ito sa tubig. Kahit ano ang gusto mong ilagay na panulak, okay lang. Orange juice, Milo, softdrinks. Ang importante ay takpan mo itong mabuti upang hindi tumulo kapag umiinom ka. Kung gusto mong kape ang nasa Coleman mo, ayos lang. Kung pwede nga lang beer eh ‘di marami nang lasenggong estudyante noong elementary. Pero kung tutuusin, maaari naman talaga, huwag ka lang magpapahuli sa magiting na guro (at basta kay ma’am ka bibili ng pulutan. Biro lang).

Grade four ako noon at panghapon ang pasok ko. Umaalis ako sa bahay ng mga alas-onse ng umaga kahit sampung minuto lang naman ang biyahe mula sa amin hanggang sa eskwelahan at alas-dose pa ang first subject ko. Tanghaling tapat kaya naman madalas ay uhaw na uhaw ako. Lagi akong nakikiinom sa kaklase kong tinutukso namin na bading dahil mahilig sumayaw ala-macho dancer kapag naririnig ang awiting “Mr. Boombastic” ni Shaggy. Mabait naman siya dahil lagi niya akong pinapainom sa kanyang Coleman na kulay berde (bagay na bagay ang kulay sa kanya). Walang ibang reaksiyon kundi isang simpleng pa-cute na ngiti lang ang natatanggap ko mula sa kanya kasama ang malamig na tubig na galing sa kanyang Coleman. Kahit alam kong sa loob-loob niya ay gusto niyang sabihin sa akin na “Ang kapal ng mukha mo! Gusto mo bigyan kita ng sariling Coleman? Ikaw kasi ang umuubos ng tubig ko eh! Alam mo, kung hindi ka lang pogi eh matagal na kitang hindi pinainom!”. Pero siyempre, biro lang ‘to.

Nakakabilib dahil sa totoo lang eh hindi lang pang-inuminan ang silbi ng Coleman noon. Maaari mo itong ipang-hampas sa mga makukulit mong kaklase. ‘Yung mga bully kong kaklase noon, meron pang tinatawag na “Coleman Wars”. Hampasan dito, hampasan doon. Kapag napuruhan ang isa ay iiyak at magsusumbong. Minsan naman, kapag desperado na eh bubuhusan ng tubig na galing sa Coleman ‘yung katunggali. Trip-trip lang. Alam mo naman ang bullies, nakakadagdag-atraksiyon kapag wala pang guro sa loob ng silid-aralan.

Natatawa naman ako sa kapatid ko noon. Noong nasa kindergarten kasi siya eh inis na inis siya sa kanilang adviser. Paano ba naman, tuwing oras ng recess eh lagi itong nakikiinom sa kanyang Coleman na kulay asul. Magtatanong pa daw ‘yun with matching malambing na boses: “Okay class, sino sa inyo ang merong wateeer? Taas ang kamay!” Ito namang si utol eh laging nagtataas ng kamay na may kasamang sigaw na “Ako po!”, pa-good shot kumbaga. Ayun, ubos ang baon n’yang tubig sa Coleman. Sabi ko nga sa kanya, palitan na lang n’ya ng tubig galing sa baha ‘yung laman ng Coleman, pero siyempre hindi niya tinuloy dahil bukod sa masama ‘yun eh hindi ko naman talaga sinabi ‘yun sa kanya dahil biro lang ulit ‘yun.

Nabasa ko sa isang forum na hindi lang pala mga water jug ang ginagawa ng Coleman. Gumagawa rin sila ng tents, mga kalan, at kung anu-ano pang camping gadgets at paraphernalia. Hindi ko lang sigurado kung meron talaga nun dahil hindi pa ako nakakakita ng mga ‘yon at nabasa ko lang naman ‘yon sa isang forum (inulit ko lang baka kasi hindi mo narinig). Natawa naman ako sa nabasa kong post ng isang estudyante sa isa pang forum dahil nilalagyan daw niya ng kulangot dati ‘yung “lawit” na iniinuman ng Coleman niya para wala daw makikiinom sa kanya. Matalinong bata.

Nakakatuwa na naging magkaugnay na ang water jug sa Coleman, para bang Colgate o Close-Up imbis na toothpaste. Nagtataka lang ako kung bakit ba natin nakasanayang magdala ng malalaking inuminan sa klase noon? Ilang buwan ba tayong mawawala sa loob ng bahay? Kung iisipin eh parang takot na takot tayong mauhaw. Kung tutuusin eh maski ang laway ay maaaring lunukin para iwas-uhaw (biro lang na naman ang sinabi kong ‘to na nakakadiri). Pero ganoon pa man, pasalamat tayo at naimbento ang Coleman dahil naging malaking tulong ito para sa pagpapalaganap ng ating malusog na pangangatawan.

Ewan ko lang kung may mga nagdadala pa nito ngayon, at kung meron man, isa kang malaking alamat! Painumin mo ako sa Coleman mo kapag nagkita tayo ha?

Eraserheads cassette tapes (inlay)

Naki-pindot ka rin ba sa nangangatog na controller ng PlayStation?

Napudpod ang ating mga murang daliri sa kaka-turbo A at turbo B sa joystick ng Family Computer na sinasabayan pa ng ihip kasunod ng pagtaktak sa kanilang bala o game cartridge kapag ayaw nitong gumana. Naka-ilang bagsak din ang ating Game Boy na mukhang adobe sa laki pero subok na ito ng panahon at gumagana pa rin, at nagpabili pa tayo ng ilaw na kinakabit sa tuktok nito para makapaglaro kahit sa madilim na lugar dahil hindi pa uso noon ang backlight sa Game Boy. Ilan lang ‘yan sa mga karaniwang pangyayari bilang musmos sa isang dekadang makulay. Ito ang dekada nobenta, panahon ng paglaganap ng iba’t ibang video game consoles. Sumapit ang mga huling taon ng dekadang ‘yon at nauso ang isang console na pinagkaguluhan ng mga kabataan ng bagong milenyo, ang PlayStation.

Ang PlayStation o mas kilala sa daglat na PS ay isa sa tatlong serye ng video game console ng Sony Computer Entertainment. Nilikha ito noong taong 1994 sa bansang Japan. Ang dalawa pang serye ng PlayStation ay ang PlayStation 2 at ang PlayStation 3, at kasama rin dito ang PlayStation Portable o PSP, PlayStationOne o PSOne, at iba pa pero sa totoo lang eh wala silang kinalaman lahat sa kuwento ko ngayon dahil mas pagtutuunan lang natin ng pansin ang kauna-unahang PlayStation tulad ng nasa larawan.

Kung naghahanap kayo ng masisisi sa pagkakaroon ng nakaka-adik na game console na ito, malamang na ang hapones na si Ken Kutaragi ang tinutukoy ninyo. Si Ken Kutaragi kasi ang nakaisip na gumawa ng PlayStation kaya naman s’ya ang tinaguriang “Ama ng PlayStation” (Father of the PlayStation). Kung tutuusin, ito ay isang joint project sa pagitan ng dalawang kompanya, ang Nintendo at ang Sony, para makabuo ng isang CD-ROM na compatible para sa Super FamiCom noong taong 1986. (Basahin n’yo na lang dito dahil para na akong timang na nagta-translate ng anumang sabihin ng Wikipedia)

Kung dati ay namomroblema ang video gamers sa pagse-save ng password sa isang laro na nais nilang ipagpatuloy, katulad ng PlayStation ay sumikat din ang pagkakaroon ng Memory Card. Kumbaga sa computer, isa itong USB flash drive na nakakapag-save ng files, at sa kaso ng PlayStation, ay nakakapag-save ng game. Nakakainis lang dahil kung gaano kalaki ang itsura ng Memory Card noon eh ganoon naman kaliit ang kapasidad nito. Biruin mo, 15 slots lang ang available sa isang Memory Card? 1 MB lang ang maaari mong i-save na laro. Hanep! Badtrip pa minsan dahil ‘yung ibang mga laro eh kumokonsumo ng hindi lang isang slot. Halimbawa na lang ‘yung isa kong basketball game dati, limang slots ang kailangan sa Memory Card para makapag-save ng isang laro.

Pagdating sa mga laro, marami-rami din kaming naging bala sa lumang PlayStation. Ilan lang sa maituturing na “pioneers” namin dito ang DOA: Dead Or Alive (fighting game), Bloody Roar 2 (fighting game din at kauna-unahan kong nakitang CD na kasabay ng pagkakabili namin sa PlayStation) Final Fantasy Tactics (na hindi ko trip laruin), NBA In The Zone (paborito ko), Colin McRae Rally (racing game na paborito naman ni utol), at iba pa (sa sobrang dami ay nakalimutan ko na). Nakakatuwa lang isipin na noong pinagpaplanuhan pa lang namin na bumili ng PlayStation ay lagi kong inirerekumenda sa utol ko na maganda ‘yung larong Tekken. Si utol naman ay panay ang rekumenda sa akin ng larong Pepsiman. At nang magkaroon na nga kami ng PlayStation eh bumili rin kami ng Tekken at Pepsiman. Pero baliktad ang nangyari dahil mas nagustuhan ko ang Pepsiman at mas naadik naman si utol sa Tekken. Ayos lang naman ‘yun dahil nangangahulugan lang ito na tama ang rekumendasyon namin sa isa’t-isa.

Naaalala ko pa ‘yung unang beses na maglaro si utol ng Colin McRae Rally na isang racing game. Tawa ako nang tawa noong nakita kong umuuga ‘yung controller niya! Tinanong ko sa kanya kung bakit siya nanginginig, kinakabahan ba siya sa race? Ang buong akala ko kasi eh talagang kinakabahan siya dahil nangangatog ‘yung kamay niya! Doon ko unang nalaman na meron palang vibration function ang controller ng PlayStation. Putaragis, ang lakas talaga ng ngatog ng kamay niya eh! Hindi ko talaga makalimutan ‘yun dahil wagas na wagas ang tawa ko nun, siguro mga 34,956,163 beses akong tumawa!

Mahal na mahal namin ang PlayStation namin dati. Noong mga unang buwan nito sa amin eh para siyang Mercury Drug: Laging gising 24 oras. Salit-salitan pa kami ni utol sa paglalaro. Isang oras ako, isang oras siya, tapos ako ulit, tapos siya (repeat until fade). Pero kailangan eh naka-line-up na agad ‘yung games na balak mong laruin para hindi mo na kailangan pang mag-isip kung anu-ano ang lalaruin mo dahil konsumo sa oras mo ‘yun. Adik, ‘di ba? Masyado kasi kaming na-hook sa paglalaro nito lalo na noong sumapit ang bakasyon. Aba eh pwede ka nang mag-prito ng itlog sa ibabaw ng telebisyon namin dahil sa sobrang init nito!

Noong kainitan ng PlayStation eh usong uso rin ito sa eskwelahan. Halos lahat ng mga estudyante eh merong sariling PlayStation. Kung hindi ako nagkakamali eh dadalawa na lang kami sa barkada na wala pang PlayStation (walo kaming lahat, pero sa totoo lang eh apat lang talaga sa amin ang merong PS). Kaya naman noong magkaroon ako ng PlayStation eh tuwang tuwa ‘yung mga kabarkada ko. Kailangan daw namin i-celebrate ang pagkakaroon ko ng PlayStation at araw-araw na daw silang makakapunta sa bahay namin. At magmula nga noon eh madalas na kaming naghihiraman ng mga bala ng PlayStation, exchange CDs kumbaga. Minsan naman kapag shortened period sa eskwela eh sa bahay namin ang hang-out ng tropa para maglaro nang walang humpay.

Sa tinagal-tagal kong hindi nakakalaro ng PlayStation (PS2 na ang meron kami dito sa bahay dahil binenta na namin sa mga pinsan namin ‘yung PS at PSOne), hindi ko pa rin makalimutan ang isang cheat code sa isa sa pinakapaborito kong laro, ang Twisted Metal 2: Hold L1-R1-L2-R2 simultaneously then press up, down, left, right, right, left, down, up, pagkatapos ay sabay-sabay na bitiwan ang pagkaka-“hold” sa L1-R1-L2-R2. Voila! Meron nang “God Mode” ang character mo sa Twisted Metal 2. Sa puntong ito eh magiging unlimited ang powers at life ng character mo at hindi ka mage-game over magpakailanman (huwag ka lang mahuhulog sa bangin)! Sa dinami-dami ng nilaro at kinahumalingan kong video game sa PlayStation, ito lang talaga ang cheat na naisapuso ko at nakabisado ko magpahanggang ngayon. Baka sabihin niyo eh ginogoyo ko kayo ha. Subukan n’yo ‘yan sa Twisted Metal 2 sa PlayStation at gagana ‘yan!

Ang dami pang masasayang alaala ng PlayStation namin noon. Nakaka-miss naman kasing maglaro nito, hindi ba? Minsan nga eh hinahanap-hanap na ng mga payat kong daliri ang pagpindot sa trayanggulo, ekis, bilog, at parisukat na buton, ang pag-pirmis nila sa L1-L2 at R1-R2 na buton, ang pangangailangan sa tinaguriang tagapagligtas ng PlayStation games na tinatawag na Memory Card, at ang pangangatog ng inosenteng mga kamay dahil sa vibration function ng controller nito.

Pamilyar ka ba sa naging karibal na liga ng PBA noon na Metropolitan Basketball Association (MBA)?

Kuwentong basketball. Nang maiba naman. Hehehe.

Kung meron talagang time machine sa mundo na maaaring gamitin papunta sa panahong nais mong balikan, isa sa mga pupuntahan ko ay ang taong 1998, ang taon kung saan kainitan ng pagkahumaling ng isang batang paslit na tulad ko sa basketball, partikular na sa PBA. Sa totoo lang, dulo na ng taong 1996 nang magsimula akong sumubaybay sa PBA. Governors Cup Finals pa ‘yon sa pagitan ng Alaska Milk at Ginebra San Miguel. Ultimate idols ko noon sina Jojo Lastimosa dahil sa kanyang wristband at si Johnny Abarrientos matapos niyang manalo ng MVP award. Matapos maka-grandslam ang Alaska noong 1996, nagtuluy-tuloy na ang hilig ko sa PBA. Hanggang ngayon, may kakaibang pakiramdam pa rin kapag nakakapanood ako ng mga klasikong laro sa ligang ito na hindi ko na talaga naabutan, tulad na lang ng mga rivalry noon gaya ng Toyota at Crispa.

Pagdating ng taong 1998, masasabi kong sa basketball na umiikot ang mundo ko (naks). Lahat ng bagong balita na may kinalaman sa PBA, updated ako. Alam kong apat sa pinakabagong manlalaro sa PBA noong taong ‘yan ay sina Danny Ildefonso, Ali Peek, Will Antonio at Noy “Edu Manzano look-a-like” Castillo. Lagi pa akong may issue ng Scoreboard sa nanay ko (Isa itong magazine noon na may kinalaman sa iba’t ibang sports pero sa tantiya ko, 50 to 60% nito ay tungkol sa PBA. Sayang at wala na ito ngayon. Grabe, naaalala ko ito, parang nang mawala ang Funny Komiks noong 1998, itong Scoreboard ang naging bago kong kinahumalingan. Lagi ko silang binabasa nang paulit-ulit kahit na naninilaw na ‘yung mga pahina nila at amoy baul na dahil sa isang kulob na bodega ko sila tinatago). Hindi rin lilipas ang isang araw nang hindi ako nakakapag-basketball sa labas. Kapag bakasyon, dalawang beses pa ako kung maglaro, isa sa umaga at isa sa hapon. Kulang na lang, mag-amoy basketball na rin ang utot ko. Ika nga ng kasabihan, “I breathe basketball” (na halatang imbentong kasabihan ko lang).

Maaari nating ikonsidera ang taong 1998 bilang taon ng pagbabago sa larangan ng basketball. Sa PBA pa lang, dumami na ang mga manlalarong may dugong banyaga o ‘yung tinatawag na Fil-Ams (na naging sangkot din sa isang kontrobersiyang tinawag na FIl-Sham pero ibang usapan na ‘yan). Taong 1998 din nang isilang ang isang ligang sinasabing magpapatumba sa PBA na noon ay nasa ika-dalawampu’t apat na taon na. March 7 ang petsa kung kailan ipinanganak ang bagong sanggol ng professional basketball sa bansa, ang Metropolitan Basketball Association o MBA. Interestingly, ang kauna-unahang commissioner ng ligang ito ay isang dating PBA superstar — si Ramon “El Presidente” Fernandez. Hanep!

Bukod sa pagdidiskubre ng mga bagong manlalaro ng basketball sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, masasabing ang MBA ay nabuo upang maging pantapat sa PBA. Mababaw na dahilan pero may kaunting katotohanan. Nagkaroon kasi ng parang botohan (hindi ko talaga alam ang tamang term para dito kaya ‘botohan’ na lang) para sa susunod na broadcast partner ang PBA (na hawak ng Vintage Television noon sa IBC 13). Nakisali dito ang ABS-CBN, at sa pagkakaalam ko, pati ang GMA 7 at ABC 5. Kaso, ayun, natalo ang ABS-CBN at hindi nila nakuha ang broadcast rights ng PBA. Sa halip, nanatili ang PBA sa Vintage (na nagreformat bilang Viva TV). Kaya ang resulta, bumuo ang ABS-CBN ng sariling liga bilang paghihiganti na rin sa hindi nila pagkakapili bilang official broadcast partner ng PBA. Business as usual at if you can’t beat them, join them, ika nga. Naaalala ko pa ‘yung sinabi ni Fidel V. Ramos (na noon ay Pangulo ng Pilipinas) sa inaugural game ng MBA: “Mas magaling ang MBA kaysa sa PBA!”

Sinu-sino nga ba ang mga basketball players na sumikat sa MBA? Kung naiisip ninyong parang wala namang nakilalang mga manlalaro sa ligang ito, think again (naks ulit). Bago pa man sila nakilala sa PBA, mas umusbong ang galing nina Willie Miller, Dondon Hontiveros, Rudy Hatfield, Wynne Arboleda, Rommel Adducul, John Ferriols, Eddie Laure, Rafi Reavis, Reynel Hugnatan, Alex Crisano at Rob Wainwright sa MBA. Meron ding dating PBA stars na mas nakahanap ng ‘greener pasture’ ika nga sa MBA (ang hilig ko talaga sa ‘ika nga’) tulad nina Ato Agustin, Paul Alvarez, Bong Ravena, Johndell Cardell, Bonnel Balingit (ye-ye vonel!), Peter Martin at marami pang iba. At siyempre, may mga manlalarong sa MBA mismo sumikat at sa MBA din nagtapos ang maliligayang araw ng karera sa basketball tulad nina Chris Clay, Jeffrey Flowers, Matt Mitchell, Max DelantesMichael Garcia (hayop dumakdak ‘to. Ay nako, sinasabi ko sa inyo, kung naglalaro ito ngayon sa PBA, panis si KG Canaleta sa tayog tumalon ng batang ito) at iba pa.

Pero ito ang isang matindi at nagbabagang eksplosibong rebelasyon <*tunog Boy Abunda*>: Alam ninyo bang si Jayjay Helterbrand ng Brgy. Ginebra Kings na kinakikiligan ng mga kababaihan, hinahangaan ng mga kalalakihan at tinitilian ng mga kabaklaan ay sa MBA unang naglaro? Naglaro siya sa Batangas Blades ng isang game lang noong taong 2000 (at sabi pa ng ilan, isang ball possession lang daw). Isang taon ang nakalipas, kinuha siya ng Brgy. Ginebra Kings sa PBA. Asteeg!

Pagdating naman sa mga koponan, wala na yatang mas oorig pa sa MBA. Merong Pampanga Dragons, Batangas Blades, Manila Metrostars, Nueva Ecija Patriots, Pangasinan Waves, Laguna Lakers, Pasig-Rizal Pirates, San Juan Knights at Olongapo Volunteers sa North, at Cebu Gems, Negros Slashers, Davao Eagles, Iloilo Megavoltz, Surigao Warriors, Cagayan de Oro Nuggets at SocSarGen Marlins naman sa South. O, ‘di ba hindi halatang ginaya nila ang estilo ng NBA? ‘De, joke lang.

Masasabi ring nangahas na magkaroon ng isang pagbabago sa professional basketball ang MBA. Ito lang kasi ang liga sa Pilipinas na may home at away format na tulad ng sa NBA, kung saan may kanya-kanyang homecourt ang bawat koponan, bagay na pinagpaplanuhan na ring gawin dati ng PBA. Ewan ko kung sino ang nakaisip nito pero obviously, hindi ito natuloy. Pero astig kung natuloy man ‘yon, ano? Mantakin mo ang mga teams sa PBA — Ginebra Manila Kings! B-Meg Cebu Llamados! Talk N Text Tarlac Tropang Texters! Barako Bull Maguindanao Energy! Alaska Negros Aces! Meralco Palawan Bolts! Panis kayong lahat!

Kung ako ang tatanungin, wala akong paboritong team dito sa MBA dahil bukod sa wala sa ligang ito ang hometown kong Valenzuela, mas nakatutok kasi ako sa PBA noon (bagamat nakakapanood ako nito dati paminsan-minsan, hindi nga lang ako pamilyar sa mga players nila). Hindi man ako nakapanood sa mismong venue, sa panonood lang sa telebisyon ay nakikita kong may kakaibang pakiramdam kapag iisa kayo ng sinusuportahang team ng mga ka-barangay mo at merong home at away format ang ligang sinusuportahan ninyo. Yun bang solid kayo sa lugar ninyo at kapag may game ay pupunuin ninyo ang venue para ipakita ang matinding suporta sa inyong koponan with matching streamers, balloons, flying unicorns at iba pang mga pang-asar na hirit sa kalabang team. Siyempre, mas maingay, mas masaya. Mas wild, mas panalo!

Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung paano ko ikukuwento ang tungkol sa MBA dahil mas nakatutok ako sa PBA (inulit ko lang baka hindi mo nabasa, at sa haba ng kuwento ko, hindi ko pa alam kung paano ko ito ikukuwento sa lagay na ‘yan). Pero sa minsang pagsilip ko sa Studio 23 noon, nakita kong ang fans talaga ang bumubuhay sa bawat laro ng MBA. Makikita mong napaka-passionate nila sa bawat probinsya. Laging puno, wild at maingay ang bawat homecourt kapag may MBA game. Kung sakaling manonood ka ng live eh malamang magmukhang basang sisiw ka na pag-uwi dahil mauubos ang enerhiya mo sa kasisigaw at kaka-cheer sa home team ninyo. Bagay na bagay ang moniker ng MBA sa bawat probinsyang kalahok dito — “The passion of the nation”! <*sabay tunog ng kulog!*>

At dahil kapag ganitong usapang basketball ay ginaganahan akong magkuwento (pagpasensiyahan), nais kong ibahagi sa inyo ang iba pang interesting facts and trivias ng MBA na nabasa ko sa pagliliwaliw ko sa internet. May mga nakakatawa at may mga nakakabilib. Pasensiya na pero dahil hindi sapat ang kaalaman ko sa MBA noon, magpapaka-“Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?” ni Bob Ong muna ako dito dahil sa pangangalap ng mga impormasyon sa cyberspace. Read at your own risk, ika nga. Ngek!

Ilan sa mga nakakatuwang MBA facts from the internet (fact you!):

Narito naman ang ilang MBA trivias na galing pa rin sa internet:
  • MBA ang kauna-unahang liga sa Pilipinas na merong babaeng referee (na ginaya nila mula sa NBA).
  • Pansamantalang naging head coach ng Pangasinan Waves ang pinaka-emotional na coach ngayon ng PBA na si Chot Reyes. Suma-sideline din siya bilang panelist sa ibang MBA games.
  • Ang pinaka-maingay na crowd ay sa Negros, Cebu, Davao at San Juan; ang pinakamalalakas na teams ay Laguna, Cebu, Manila, Pampanga, Pasig, San Juan, Negros at Davao; ang pinakamagandang homecourt ay sa Negros at SocSarGen. (Pero siyempre, walang tatalo sa Araneta Coliseum. LOL)
  • Ang Manila Metrostars ang may hawak ng longest winning streak sa isang professional basketball league sa Pilipinas. Nagwagi sila ng dalawampu’t dalawang (22) sunud-sunod na laro noong taong 1999. Nalampasan pa nila ‘yung 21-game winning streak ng legendary Crispa Redmanizers team sa PBA. 
  • Si Felix Belano ng Davao Eagles ay ang nag-iisang professional basketball player na nakapagtala ng quadruple double sa isang game (ibig sabihin, double figures siya sa apat na alin mang kategorya: points, rebounds, assists, steals, o blocks). Dahil dito, naisipan ni Belano na magtayo ng isang bakery sa kanilang probinsya at pinangalanan niya itong “Quadrupol Dobol Bakery”. Asteeg!
Malamang abutin na tayo ng Chinese New Year kapag inisa-isa ko pa ‘yung mga nabasa ko sa internet. Kaya mabuti pa, tapusin ko na ito. ’De, joke lang.

Sayang lang dahil sa kakapusan ng budget, hindi nagtagal ang MBA (na binitiwan na rin ng kasi ng ABS-CBN noong 2001). Binalak pang salbahin ng isang panibagong amateur league na Liga Pilipinas ang format ng MBA subalit hindi nila natinag ang popularidad ng PBA na hanggang ngayon ay nangungunang professional league hindi lang sa buong Pilipinas kundi pati na rin sa buong Asya. Problema kasi ng Liga Pilipinas ang broadcast partner. Isa pa, medyo mahirap at magastos din kasing mag-maintain ng isang regional league, lalo na sa isang bansang tulad ng Pilipinas na napaliligiran ng karagatan.

Metropolitan Basketball Association. Born: 1998. Died: 2002. Naka-limang taon lamang ang MBA. Limang taong puno ng saya, lungkot at magagandang laro. Pero sa loob ng limang taong ito ay nagkaroon sila ng pagkakataong mabigyan ng oportunidad ang mga manlalarong Pinoy na makilala sa hardcourt. Kung tutuusin, mas maganda talaga kung ang konsepto ng isang professional league ay home at away format. Sa ganitong paraan, lalong makikita ang pagkakaisa nating mga Filipino basketball fans. Bagamat wala na ang ligang para sa masa, mananatili pa rin ang MBA bilang pagpapatunay na ang basketball sa Pilipinas ay talaga namang maituturing na “passion of the nation”.

<*buntong-hininga*>… Gusto ko talagang makapanood ng ilang MBA games. Sana talaga, may naimbentong time machine. O kaya sana, totoo ‘yung konsepto ni Doraemon, ano? Puro sana, puro sana. Tara, gawa na lang tayo ng petition para ibalik ang MBA! (Sabay-sabay na sasabihin ng lahat: “Ikaw na lang, ulul!”)

(Bilang pangwakas, iiwan ko sa inyo ang ilang video clips ng MBA sa link na ito. Pero dahil siguradong walang pipindot niyan, minabuti kong isa-isahin ang ilang videos na makikita sa link sa ibaba at baka sakaling merong sipaging mag-click kahit isa, o kaya i-bookmark ninyo na lang para sa susunod na wala kayong magawa, panoorin ninyo. Ay nako, sinasabi ko sa inyo, hinding hindi kayo magsisisi sa panonood. LOL)

(A for the effort Memorykill, A for the effort.)

Gumamit ba kayo noon ng mala-anghel sa bangong Angel’s Breath?

Bago lumabas ng bahay, magbabad sa nakakapasong sikat ng araw sa buong maghapon at makipaglaro sa kanyang mga kumpareng manlalaro ang isang bata, katakut-takot na hygiene preparations ang ginagawa ng kanilang nanay para mapanatiling malinis at mabango si anak. Unang una na diyan ang pagpapaligo sa bata. Isama mo pa ang pagbibihis ng malinis na damit at shorts, at karaniwan noong 90s eh sando pa na fit ang para sa mga batang lalake. S’yempre kailangan din ang pagsusuklay ng buhok ng mga bata para kahit ilang beses itong mangudngod sa kalsada eh at least plantsado pa rin ang buhok nito pag-uwi. At para manatiling mabango at fresh ang mga bata, pinapaliguan sila ni nanay ng pulbos hanggang sa magmukha silang espasol sa dami ng nakasingit na pulbos sa kanilang leeg, braso, batok, at kili-kili, na kinalaunan ay magiging libag din naman. At kumbaga sa isang nilalakong pagkain, kailangan ay merong katakam-takam at kahali-halinang amoy ang espasol. Kaya naman hindi kumpleto ang hygiene preparation kung walang Angel’s Breath na iwiwisik sa mga bata bago maglaro.

Nauso ang cologne na nakilala sa pangalang Angel’s Breath noong dekada nobenta. Ibang klase ang taglay na amoy nito. Hindi siya masakit sa ilong. Bagay na bagay talaga sa mga nagdadalaga at nagbibinata, pero mas nababagay para sa mga sanggol at mga bata. Karaniwang nasa isang babasaging container ito na gaya ng nasa larawan, may maliit at malaki. Alam kong natatandaan niyo pa ang napakabangong amoy ng cologne na ito. Kumbaga sa isang kanta eh nakaka-LSS ang amoy nito, ‘di ba? At alam ko rin na gumamit ka nito noon para mag-amoy tao ka kahit na tinutukso ka ng mga kalaro mo na “bakulaw,” “unggoy,” “kambing,” at iba pang mababahong tukso na maisipan ng mga kalaro mo.

Kung nag-artista lang ang pinsan ko dati, masasabi kong Angel’s Breath ang official sponsor niya pagdating sa cologne. Ito kasi ang nilalagay ng nanay niya (na paborito kong tita, na ilang beses ko nang nabanggit sa blog ko) sa kanya. Minsan nga naaamoy ko pa rin ang Angel’s Breath kahit hindi pa siya naliligo. At matapos naman paliguan gamit ang Angel’s Breath Soap (oo, merong sabon ang Angel’s Breath, kahalintulad din ng amoy ng cologne nito), nilalagyan s’ya ulit ng Angel’s Breath Cologne at minsan ay meron pang Angel’s Breath Powder (meron ding pulbos nito at tama ang hula mo, amoy Angel’s Breath Cologne din) para magpatuloy ang halimuyak ni pinsan kahit hindi naman siya lumalabas ng bahay nila dati. Hanep, ewan ko na lang kung may nabahuan pa kay pinsan noon. Malamang pati utot n’ya eh amoy Angel’s Breath.

Nakakagamit lang ako nitong Angel’s Breath kapag nasa bahay ako ng pinsan ko. Wala kasi akong sariling ganito at kahit kailan ay hindi ako nagkaroon ng cologne na ‘to. Hindi dahil sa walang pambili o mahal ang ganitong cologne (sa totoo lang eh hindi ko alam ang presyo nito). Hindi ko lang talaga nakasanayang magpabili nito o kahit na anong cologne. Kung sabagay, hindi naman kasi importante sa mga bata noon lalo na sa mga batang lalake kung ano ang amoy mo, ang mahalaga eh makapaglaro ka sa labas. Liban na lang kung madalas kang tuksuhin na “mabaho” ng mga kalaro mo kahit sa totoo lang eh mas mabantot sila kesa sa iyo at mas kinakailangan nilang paliguan ng sandamakmak na Angel’s Breath!

Gusto ko sanang hanapin sa Google  ang history at humble beginnings ek-ek ng cologne na ito subalit puro forums ang bumubungad kapag tina-type ko ang “angel’s breath cologne”. O sige, kasama na rin ‘yung tinatamad akong mag-research mabuti. Pero dahil sa paglalakbay ko sa internet, napadpad ako sa isang forum at nabasa ko dito na noong 90s eh sosyal ka pala kapag ang gamit mong cologne o pabango ay Angel’s Breath o kaya Nenuco. Okay, hindi ako pamilyar sa Nenuco na ‘yon, malamang eh amoy menudo ang cologne na ‘yon. Nenuco. Tunog-menudo kasi (pilit na pilit ang pagpapatawa, nagpaliwanag pa ang ungas). Naisip ko tuloy, siguro napakamahal ng presyo ng Angel’s Breath dati kaya tinawag itong sosyal na pabango.

Ayon pa sa forum na ‘yon, meron din palang Angel’s Breath For Men. Ewan ko lang kung totoo o kunya-kunyarian lang ‘yon, o baka naudlot na plano lang ‘yon ng kompanyang gumagawa ng Angel’s Breath. Pero para sa akin, medyo hindi yata maganda ang dating ng pangalan nun. Panget pakinggan ang “Angel’s Breath For Men”. Karaniwan kasing matapang, ma-elemento at may pagka-solido ang pangalan ng mga cologne na para sa mga lalake. Sana tinawag na lang nila itong “Devil’s Halitosis”. O kaya naman eh “Demon’s Fragrance”. O ‘di ba astig? Pangalan pa lang, TNL (tunay na lalake) na! Tapos ‘yung kahon eh kulay itim, imbis na kulay asul. Para kasing bading ‘yung “Angel’s Breath For Men”. Hanep, umandar na naman ang imahinasyon ko.

Hindi ko lang alam kung meron pang nabibili nito sa mga piling tindahan. Matagal na ring hindi dumadampi sa mga butas ng ilong ko ang halimuyak nito. Kung tutuusin, siguro eh noon pang late 90s ang huli kong amoy sa cologne na ‘to, ito ‘yung noong mga panahon na nakikitira pa lang ang paborito kong tita sa bahay ng kanyang nanay (na lola ko). At inaamin kong nami-miss ko ang amoy ng Angel’s Breath. Simple ang taglay na halimuyak na ibinibigay sa sinumang magwisik nito sa kanyang katawan, at malamang ay naitatago rin ang mala-demonyong bantot na amoy ng bawat makagamit ng mala-anghel sa bangong cologne na ‘to!

(Source: memorykill)

Nangongolekta ka ba noon ng Nido mini booklets?

Lumaki ako sa mundong kapiling ang iba’t ibang klase ng babasahin. Mahilig akong magbasa ng libro at nahuhumaling ako sa paglanghap ng bawat pahina nito, at hindi naman siguro kaila sa inyo ito. Mula sa pambatang babasahin tulad ng hardbound Sesame Street books, Aklat Batibot, pop-up books at Walt Disney Comics featuring Mickey Mouse and Donald Duck (na tinagalog!) hanggang sa mumurahing comics tulad ng Funny Komiks at Bata Batuta, at sa mga babasahing para sa matatanda pero pwede rin sa mga bata tulad ng Liwayway Gawgaw ay masasabi kong nakahiligan kong basahin noong ako ay bata pa. Nagtataka lang ako dahil kahit na nakakapag-construct naman ako ng Ingles na sanaysay ay hirap na hirap pa rin akong gumawa nito. Siguro, dahil kasi mas nahasa ako sa pagbabasa ng mga Tagalog na babasahin. Pero huwag na nating pagdiskusyunan ang pagsusulat ko ng Ingles dahil wala itong kinalaman sa kuwento ko.

Kung gaano ko kamahal ang libro at pagbabasa, siya namang pagkasuklam ko sa pag-inom ng gatas. Hindi ako sigurado kung ito ba ‘yung tinatawag nilang lactose intolerant oink oink. Hindi ko naman kasi ganoong kinasusuklaman ang gatas. Minsan nga, masarap pa silang papakin. Hindi lang talaga kaya ng sikmura kong inumin ang tinimplang gatas. Minsan, naiisip ko kung bakit may gatas pa sa mundo. Hindi ba pwedeng timplahan na lang natin ang simpleng tubig ng mga iba’t ibang klase ng tamis para maglasang gatas ito? Kung papipiliin siguro ako kung gatas ba o alak, malamang ay mas pipiliin ko pa ang pangalawa kahit na hindi talaga ako manginginom. Noong apat na taong gulang nga ako, dumedede pa rin ako pero hindi ng gatas, kundi ng Milo. Oo, ‘yung chocolate drink. At nasa bote pa mismo. Milo. Dinedede. Nakatimpla sa baby bottle. Panalo!

Gatas ang isa sa mga pinapainom sa atin ng ating mga magulang simula pa noong pagkabata. Rekumendado pa nga ng mga doktor ang pagbe-breastfeed o pagpapasuso o ang pagpapainom ng gatas mula sa suso ng ina sa mga bagong panganak na sanggol dahil puno ito ng bitamina na wala sa mga gatas na nakalata at nabibili sa mga suking tindahan. Sa paglaki ng mga bata, siyempre nakakahiya naman kung ang laking damulag na niya pero dumedede pa rin siya sa suso ng ina para lang makakuha ng sapat na bitamina ang kanilang mga buto, kaya naman nagkaroon ng gatas na de timpla at nakalagay sa lata. May mga gatas na de timplang naaayon sa edad ng mga bata at meron ding para sa mga matatanda.

Noong araw, isa lang ang alam kong brand ng gatas para sa lahat at ito ay ang Birch Tree (hanapin mo sa internet kung hindi ka pamilyar diyan). Ito kasi ang madalas na gatas na makita ko sa bahay namin at sa bahay ng mga lola ko. Habang ako ay lumalaki, nakadiskubre ako ng iba pang brands ng gatas. Dito na pumasok ang Sustagen, Promil at Nido. Iba’t ibang tatak ng gatas para sa iba’t ibang edad pero iisa lang ang agenda nila: Ang patibayin at gawing sintigas ng bakal ang ating mga buto sa katawan.

Sa apat na brand ng gatas na nabanggit ko, ang Nido na siguro ang maituturing na isa sa pinakasikat na gatas mula noon hanggang ngayon. Sayang nga naman kung tinawag silang “World’s No. 1” tapos hindi sila sisikat. At sa sobrang popularidad ng Nido, nakaisip sila ng magandang gimik. Strike while the iron is hot, ika nga nila. Ano ang gimik na kanilang naisip? Continue reading and smile before you read. Ano daw?

Katulad ng sapilitang pag-aaral sa eskwela kung paano manahi o magluto, o ang paggising ng maaga para sa trabaho, may mga bagay talagang kailangang isakripisyo upang makuha mo ang iyong inaasam. Kahit hindi ako palainom ng gatas ay dumating ako sa puntong kailangan kong magpabili ng gatas hindi para magkaroon ng calcium ang mga buto ko kundi para magkaroon ako ng makukulay na maliliit na libro ng Nido.

Nauso ang ganitong estilo ng pagbenta ng mga produkto noon sa Nido. Hindi ko alam kung ano ang naging inspirasyon nila pero may palagay akong ginaya nila ang Milo (na nasa ilalim din ng iisang kompanya, ang Nestle) na nagkaroon ng free items tulad ng 3D cards featuring your favorite sports personalities, pencil sharpener featuring PBA superstars, at kung anu-ano pang mga kuyagot na pang-eskwela na hinaluan ng sports (dahil sports drink daw ang Milo). Ang panapat ng Nido? Libro. Dito isinilang ang Nido mini booklets. Aminin mo, nangongolekta ka rin nito noon!

Isa ang libreng booklet na ito ng Nido sa mga dahilan kung bakit naging mabenta ang gatas na ito sa mga supermarket kahit na masasabing kakaunti lang talaga ang mga batang umiinom ng gatas noon. Ayon sa isang pagsusuri, malaking porsyento ng mga bata na nasa edad apat hanggang anim na taong gulang ay mas umiinom ng chocolate drink kesa sa gatas. Napag-alaman din na ang pagsusuring ito ay inimbento ko lang.

Hindi basta-basta gumawa ang Nido ng free collectibles katulad ng ginawa ng Milo. Hindi rin naman kasi basta-basta makagagawa ng isang bagay na tiyak na tatangkilikin ng mga bata. At ang naisip nilang Nido mini booklet ay hindi rin basta-basta dahil educational ang mga ito at puno ng mga kaalamang makakatulong sa mga bata at sa kanilang pag-aaral.

Pero paano nga ba magkakaroon ng free mini booklet na ito? Hindi na kailangang magpapalit ng resibo sa redemption booths, pumila sa mga groceries, magpahabol sa pulutong ng mga asong ulol o ng kung anik-anik na reglamento para lang mapasakamay ang minimithing Nido mini booklets. Bumili ka lang ng Nido, nasa lata man o nasa kahon, magkakaroon ka na ng mini booklets for free. Yung pinakamaliit na Nido sa pagkakaalam ko, naglalaman ng isa hanggang dalawang pirasong mini booklet. Yung pinakamalaking Nido naman na nasa lata ay tatlo o apat na mini booklet ang laman. Ang sabi ko pa sa nanay ko noon, bumili na lang kami ng isang kahon ng Nido para mas marami akong maipong mini booklet. Ayos ba?

Hindi ayos! Dahil kahit pakyawin mo pa ang lahat ng Nido sa lahat ng supermarkets sa buong Pilipinas, hindi ito nakatitiyak na iba’t ibang piraso ng mini booklet ang makukuha mo. Baka mamaya, dumoble ang mini booklet mo. Minsan pa nga, ‘yung apat na mini booklet sa Nido na nasa lata eh pare-pareho. Apat na kuwento ni Cinderella o kaya’y apat na alamat ni Boy Bastos (biro lang). Pero seryoso, nangyayari talaga ang ganitong pagkakataon. Kung pwede lang sigurong buksan isa-isa ang mga kahon ng Nido sa loob ng supermarket bago bilhin eh ginawa na namin, makasiguro lang na hindi dodoble ang Nido mini booklets ko. Kaso baka mamaya, mamataan kami ng Tulfo Brothers at video-han pa kami. Baka maghalo pa ang balat sa tinalupan kaya huwag na lang (ano daw?).

Tatlo sa free mini booklet series ng Nido ay makikita sa larawan. Sa “Tales from Around the World” mini booklet, mababasa ang kasaysayan ng iba’t ibang bansa kasama na ang Pilipinas. Kung may “The Five Chinese Brothers” ang mga Intsik, meron namang “The Book of Salamat” naman tayong mga Pinoy (sabay-sabay magtatanong ang lahat: “Who the hell is Salamat? Si Eric Salamat?” K). Kung may “Scarface” ang mga Kano, meron namang “Alibaba and the Forty Thieves” ang mga Arabo. 

Dahil ang mga bata ay mahilig sa fairy tales at iba’t ibang mga alamat (liban lang ngayon dahil sa kung anu-anong alamat ng burnik na lang interesado ang mga kabataan ngayon), gumawa ang Nido ng mini booklet ng fairy tales na pinamagatang “The World’s Best Pocket Fairy Tales”. Sa series na ito mababasa ang ilang sikat na classic fairy tales tulad ng “Hansel and Gretel”, “Rapunzel”, “The Emperor’s New Groom”, “The Japanese Lantern”, “The Hare and the Tortoise”, “King Midas’ Touch” at iba pa. Pero hindi lang ordinaryong fairy tales ang mga ito dahil sa huling pahina ng bawat Nido mini booklet ay may moral lesson itong kaakibat.

Hindi lang mga babasahin ang naging free item sa bawat pakete ng Nido noon. Nagkaroon din sila ng serye ng coloring books na pinamagatang “Color Our World” kung saan hinahayaan nitong ipamalas ang ‘creative side’ ng mga bata sa pamamagitan ng pagkukulay kahit na minsan ay lagpas-lagpas ang mga ito. Let the kids’ imagination shine, ika nga. Isa pa sa free item ng Nido noon ay ang “Lyrics Card” (hindi ko alam ang tawag kaya ‘lyrics card’ na lang) na isa sa mga paborito kong kolektahin noon. Sa “Lyrics Card” mababasa ang uhm… lyrics (kaya nga ‘lyrics card’, alangan namang lyrics card tapos naglalaman ng procedure sa pagluluto ng chopsuey) ng ilang paboritong theme song ng mga classic Walt Disney movies tulad ng “Under the Sea” at “Part of Your World” ng The Little Mermaid, “When You Wish Upon a Star” ng Pinocchio, “Someday My Prince Will Come” ng Snow White and the Seven Dwarfs, “A Whole New world” ng Aladdin, at “Beauty and the Beast” ng Alamat ni Vicky Belo (ang korni ko).

Wala akong ideya sa kung gaano kasikat ang Nido mini booklets na ito sa inyo noon. Basta’t ang alam ko lang, nangongolekta kami nito ng mga kalaro ko kahit na madalas eh hindi namin maintindihan ang istorya nito. Siyempre kapag ganoon, ipapabasa namin sa nakatatanda, bedtime story kuno at bonding time ek-ek with the family. Bigla ko tuloy namiss ‘yung koleksyon ko ng Nido mini booklets na nakalagay pa sa isang lata ng imported assorted biscuits na kulay violet at nakatago sa may likod-bahay namin (hanep confidential talaga, sa likod-bahay pa nakatago, baka kasi manenok). Marami-rami din akong naipong ganoon. Sa kasamaang palad, inanod yata ng baha ‘yun nang minsang magbiro ang kalikasan. Sayang lang ang koleksyon kong nauwi sa wala. Sayang din ang pagbili namin ng tone-toneladang Nido na hindi ko naman talaga iniinom. Hanep!

Sa tingin ko naman, isang effective na marketing strategy ang ginawang ito ng Nido upang makahikayat sila ng mga bata na uminom ng gatas. Lumulusog na, natututo pa ang mga bata ng kagandahang asal. Masasabing para-paraan na din ito para lalong bumenta ang produkto at magkamal ng salapi ang kompanya. Subalit nakabuti man o nakasama sa mga mamimili noon, hindi maikakailang dahil dito, naging malapit sa pag-inom ng gatas ang mga batang paslit. At para sa akin, isa lang ang Nido mini booklets sa mahabang listahan ng mga babasahing pinabili, inipon at binasa ko noong ako ay musmos pa lamang. Hindi ba’t nakakamiss mangolekta ng ganitong klaseng babasahin?

(Kakaunti lang ang litrato ng Nido mini booklet sa internet at gusto ko pa sanang makakita nito. Sino sa inyo dito ang meron pang natatagong Nido mini booklet? Paki-kuhanan ng litrato at paki-submit ninyo sa blog ko. Idadagdag natin sa post na ito para kyot. LOL. Maraming thank you!)

Game KNB? Game na!

Sa dinami-dami ng mga programa sa telebisyon, isa na siguro ang game shows sa pinaka-nakakaaliw at masasabing total entertainment. Mantakin mo, saang programa sa telebisyon ka makakapanood ng tawanan (kapag laugh trip ang sagot ng contestant), iyakan (tears of joy kapag nanalo), suspense (isang tamang sagot na lang, panalo na), action (napapasuntok sa hangin ang contestant kapag tama ang sagot), informative (dahil kung walang knowledge, walang power), all in one show? Sa game shows lang, wala nang iba.

Battle Of The Brains, Game Na Game Na!, Family Kuwarta O Kahon. Ilan lamang ‘yan sa mga patok na game shows noong dekada nobenta. Pagpasok ng bagong milenyo, muling nagbalik ang sigla ng game shows sa telebisyon sa pamamagitan ng Philippine versions ng “Who Wants To Be A Millionaire?” hosted by Christopher De Leon at “The Weakest Link” ni Edu Manzano na kapwa napanood sa IBC 13. Dahil kinagat ng mga manonood ang patanung-tanong ni Boyet ng “Is that your final answer?” at ang pang-aasar na “goodbye! <*irap*>” ni Doods, naisipan ng ABS CBN na bumuo rin ng isang informative na game show na tatapat sa dalawang ito.

Kaunting history ek-ek sa game shows ng bagong milenyo: Noong taong 2001, isinilang ng ABS CBN ang isang bagong sanggol ng game shows, ang Game KNB? hosted by the queen of all media na si Kris Aquino. Matapos isilang, naulinigan ng GMA 7 ang bagong silang na game show na ito kaya naman naisipan din nilang gumawa ng isang game show sa primetime katulad ng “Game KNB?”, “Who Wants To Be A Millionaire?”, at “The Weakest Link”. Ginawa nilang isang full-length game show ang isang portion sa Eat Bulaga na “Korek Na Korek Ka D’yan!”. Hindi pa nakuntento, nagsilang din sila ng isa pang bagong concept na game show, ang “Ready Txt Go” hosted by Michael V. Para sa mga hindi nakakaalam o nakakaalala, ito ‘yung game show kung saan may higanteng cellphone na may higanteng keypads sa studio. Ang mga sagot sa tanong ay ite-text gamit ang pag-tapak sa mga keypads. Meron din itong “send” button kaya naman parang nagte-text ka talaga, gamit nga lang ang paa. Hindi nga lang kinagat ng manonood ang game shows na ito kaya tinigok din sila kaagad sa ere. Pati ‘yung dalawang pioneer na game shows ng IBC 13 ay minalas (nasunog ang studio ng IBC 13 kaya nawala ang kanilang game shows). Kaya naman natirang matatag ang Game KNB?, na pagtutuunan natin ngayon ng pansin.

Isang uri ng “question and answer” game show ang Game KNB?. Subalit bagamat nakilala sila sa pagiging entertaining at informative, nagkaroon din sila ng iba’t ibang bersiyon nito. Merong “Game KNB?”, “Milyun-Milyon Na, Game KNB?”, “Pasko Na! Game KNB?”, “Pilipinas Game KNB?”, at “Kung-ano-pang-maisip-na-bonggang-tagline-para-mas-kagatin-ng-publiko-dahil-sawa-na-sila-sa-lumang-version-nito, Game KNB?”. Pero ang pinaka-paborito kong bersiyon ay ‘yung “Next Level Na! Game KNB?”. Taliwas sa nakasanayang informative at question and answer na game show, ang bersiyon na ito ay dinagdagan ng physical at minsan ay nakakadiring challenges (halimbawa, hanapin ang karayom sa isang dram na puno ng kaning baboy gamit lamang ang bibig, kuhanin ang kapirasong papel na nakatali sa buntot ng isang nagme-menopause na dragon, at iba pang anik-anik). Katapat nitong bersiyon na ito sa primetime ang programang “Extra Challenge” dati nina Paolo Bediones at Miriam Quiambao. Sa palagay ko, kaya siguro gumaya at naki-challenge ang Game KNB? ay para makapag-compete sila nang patas sa GMA 7. Kumbaga, labanan ng dalawang reality show/game show. Pero hindi pa rin nila natinag ang Extra Challenge sa primetime, na kinalaunan ay lumipat sa panghapong timeslot, na kinalaunan (ulit) ay pinabagsak ng pasimuno ng Asianovela craze na “Meteor Garden” noong 2003. Pero walang kinalaman ang mga bulalakaw at hardin sa kuwento ko, pati na sina Shan Cai, Dao Ming Si, Hua Ze Lei, Mei Zuo at Xi Men (hanep kabisado ko! Hindi halatang nanonood ako ng Meteor Garden).

Sa Game KNB? rin makikita ang pag-evolve hindi lang ng hosts (bagamat dalawa lang naman talaga ang naging main hosts nito na sina Kris at Edu Manzano. ‘Yung iba ay guest hosts lang tulad nina Toni Gonzaga, Vhong Navarro at Korina Sanchez) kundi pati na rin ng pananamit ni Kris. Sino dito sa inyo ang nakapanood ng unang episode ng Game KNB? noong October 1, 2001? Naaalala ko ‘yung unang sabak ni Kris dito, hanep ang suot n’ya, mala-kapote sa haba at ang tingkad pa ng kulay! (Pasensiya na at hindi ko alam ang tawag sa ganoong damit ng babae.) Sa loob ng isang linggo ay puro ganoon lang ang costume n’ya, nag-iiba lang ng kulay gabi-gabi. Red, blue, yellow, pink, yellow-green. Hanep!

Bukod sa mismong programa, sumikat din ang Game KNB? dahil sa opening theme nito. Matapos sumigaw ni Kris Aquino with matching turo sa camera ng “Pilipinas! Game ka na ba?” ay sasagot ang audience ng isang malakas na “Game na!” na may kasamang suntok ng kamao sa ere. Susundan kaagad ito ng isang nakakaaliw na background music: Toot-tutetutetutetutetutet-tenun! At nauso rin ang tunog na ito bilang ringtone sa ating mga 3210 at 3310 cellphones noon. Naaalala ko pa, ibang klase ‘yung Game KNB? ringtone na pinasa sa akin ng kaeskwela ko. Mantakin mo, “GKNB” at “London Bridge (is falling down)”, in one! Magulo? Bale pagkatapos ng “toot-tutetutetutetutetutet-tenun”, kasunod kaagad ‘yung tono ng “London bridge is falling down, falling down, falling down, my fair lady.” Parang adik lang talaga ang ringtone na ‘yun kung tutuusin!

Lalo pang sumikat ang Game KNB? nang maging host nito si Edu Manzano kapalit ni Kristeta. Ito ay dahil sa kuwelang pagho-host ni Edu na nagkaroon pa ng pagkakataon na mag-coreograph ng isang dance craze na pinamagatang “Papaya Dance” (aminin mo, sumayaw ka din nito!) na umabot pa hanggang sa ibang panig ng mundo. Sa pagkakaalam ko eh sinayaw din kasi ito sa isang programa sa US na “Good Morning America”. Hindi nagpatalo at sinayaw din ito ng dating US Ambassador na si Christie Kenny sa show na “Umagang Kay Ganda”. Worldwide dance craze! Nakanantutsa!

Parang kailan lang ay kasa-kasama natin ang Game KNB? sa primetime matapos ng mga programang kadramahan at biglang nailipat sa tanghaling tapat para sa “Noontime Bigtime”. Pero alam naman nating lahat na wala na sa ngayon ang Game KNB?. Hindi na rin aktibo sa game shows ngayon ang kuwelang si Edu Manzano dahil bigla na lamang naglaho sa ere na parang bula ‘yung game show n’ya sa GMA 7 na “Asar-Talo”. Sa palagay ko’y asar-talo sa ratings kaya tinigbak kaagad sa ere (“Meron palang ganoong game show?!”). At bagamat muling nagbalik si Kris Aquino sa isang game show na “The Price Is Right” na hindi rin umalagwa sa ratings, hinding hindi pa rin maikakaila na iba pa rin ang Game KNB? at mas malakas pa rin ang impact sa mga Pilipino ng original na game show na ito, magpalit man sila ng format o mag-iba man sila ng host. Isa lang ang tanong ko sa iyo:

Game ka na ba?! Game na!

The Evolution of Philippine Peso Bills

(Source: philmoney.blogspot.com)

Anu-ano ang karaniwang happenings sa loob ng bahay kapag brownout?

Nitong nakaraang Sabado, naganap hindi lang dito sa Pilipinas, kundi pati sa buong mundo, ang Earth Hour. Ito ay isang pangyayari kung saan hinihikayat na magpatay ng ilaw at kuryente ang bawat bahay at malalaking establisyemento bilang pakikiisa sa climate change, at para na rin sa malawakang pagtitipid ng kuryente. Karaniwan itong tumatagal ng isang oras. Dito sa atin, naganap ang Earth Hour mula 8:30 hanggang 9:30 ng gabi. Isang oras na walang ilaw sa ilang lugar noong mga oras na ‘yon. Pero ang nangyari sa amin sa araw na ‘yun ay higit pa sa inaasahan naming Earth Hour. Paano ba naman kasi, limang oras na nawalan ng kuryente dito sa lugar namin sa Valenzuela, magmula alas-tres ng hapon hanggang alas-otso ng gabi. Napag-alaman ko rin na hindi lang pala dito sa amin nagkaroon ng power interruption kundi pati na sa ibang lugar sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya nito. Hindi namin alam kung ano ang dahilan, pero sa tantiya namin ay may pumutok na transformer sa Metro Manila at malawak ang naging epekto. Kaya naman buong maghapon kaming tumunganga, tumambay sa labas, nagkuwentuhan ng kung anu-ano, nagbonding, nagbilang ng matatabang lamok, nagbilang ng mga butiki sa kisame, nagbilang ng puting buhok ni itay (‘de, biro lang), at iba pang pamatay-bagot na maisipan. Hassle talaga ang mawalan ng kuryente. Madilim. Nakakabingi ang katahimikan sa paligid. Mainit. Nakakaburyong.

Brownout. Power outage. Sag. Power interruption. Walang kuryente. Iba’t-iba man ang tawag, pare-pareho lang ang ibig sabihin nito. Isa na ito sa pinaka-kinaaayawang pangyayari ng mga tao, lalo na ng mga batang paslit. Sino nga ba naman ang may gustong mawalan ng supply ng kuryente na ginagamit natin sa pang-araw-araw na gawain? At sa panig ng mga kabataan, isang malaking delubyo kapag hindi nakapanood ng paboritong cartoons o programa sa telebisyon, hindi makain nang maayos ang mga pagkain sa ref, at hindi makatulog ng komportable dahil malamok at mainit. Napakahirap talagang mawalan ng kuryente dahil dito nakasalalay ang halos lahat ng ating gawain upang mabuhay tayo sa modernong panahon.

Isa na siguro sa mga karaniwang gawain ng mga batang paslit noon kapag walang ilaw ay ang paglalaro ng apoy. Hep! Huwag kang bastos. Hindi ito ‘yung iniisip mong paglalaro sa apoy. Iba ‘yon. Ito ‘yung kunyari ay bigla ka na lamang sinapian ng kaluluwa ng isang madyikero at hindi ka man lang nasasaktan o umaaray kapag pinadadaan mo ang hintuturo mo sa apoy ng nakasinding kandila. Hindi ko magawa ito noong bata pa ako dahil baka masunog ang payatot kong mga daliri at baka makapag-ulam pa kami ng longganisang daliri kung nagkataon. Nito lamang paglaki ko nalaman na madali lang palang gawin ‘yon dahil simple lang ito, at hindi naman talaga makakapaso dahil nasa reflexes at control mo sa daliri mo din ‘yun. Basta, hindi ko maipaliwanag mabuti. Hindi ko rin alam ang scientific explanation dito, kung meron man. Kung hindi mo ma-gets, magsumbong sa pulisya. Biro lang.

Paminsan-minsan naman ay may sapak ang mga nakatatanda at pinaglalaruan ang flashlight na isa sa popular na kagamitan na madalas hinahanap kapag walang ilaw. Pinapaikut-ikot nila ito sa buong kabahayan habang nakasindi at pinagsasayaw ang mga bata sa gitna para kunyari ay nasa disco house sila, at may improvised disco ball pa.

Isang pang nakakaaliw pero nakakaburyong na gawain noon ay ‘yung hulaan ng mga anino ng hayop. Kailangan mo lang ng dalawang kamay (natural meron ka nito, bawal humiram sa iba), pader, at s’yempre, ang mahiwagang kandila o flashlight at sangkatutak na imahinasyon. Gawin lamang ang mga anino ng hayop sa pamamagitan ng pagbabalu-baluktot ng mga daliri at kamay at presto, makikita mo na sa pader ang anino ng hayop na ginagaya mo. Merong aso, pusa, usa, ahas, kambing, at ang pinakasikat na agila. Naaalala ko dati, tawang-tawa ang utol ko noong maliit pa s’ya kapag ginagawa ko ‘yung agila, lalo na kapag sinasabi kong kunyari ay nabaril ng shotgun ang agila kaya nagkalasug-lasog ito at naging fried chicken. Pasensiya na pero mababaw ang kaligayahan namin.

Ang pagmolde naman ng bola na gawa sa mga naipong tulo ng kandila ay isa ring pangkaraniwang gawain noon kapag walang ilaw dahil kandila ang nagsisilbing ilaw sa mga panahong tulad nito, bagamat sa tingin ko ay mas popular ito nang ‘di hamak sa panahon ng Undas.

Karaniwan nang maraming tao sa labas ng bahay at sa mga kalsada kapag brownout lalo na sa pagsapit ng gabi. Pero kami ng pamilya ko (inay, itay, utol, pati aso dahil nakatali s’ya), nasa loob lang ng bahay. Kung lalabas man, wala kami sa kalsada. Sa halip, nakatambay lang kami sa may pintuan ng bahay namin at nagkukuwentuhan habang nagpapalamig. Minsan ay nakakabuo pa ng mga kaisipan at kuwentuhan na hinugot mula sa kung saan. “Ano kaya kung may bulalakaw na bumagsak sa harap natin?”, “Ilan kaya ang mga bituin sa langit?” “Merong tatlong magkukumpareng nagpapayabangan… Si ganito, si ganire, at si ganyan… (joke time kunyari)”. Mga ganitong tipo.

Isa na nga ang kuwentuhan sa mga nakakaaliw na gawain kapag walang ilaw. Masarap kasing magbonding-bonding kumbaga. Masayang palipasin ang oras na walang ginagawa sa pamamagitan ng paglalahad ng kung anu-ano at pakikinig sa kuwento ng iba. Dito ngayon pumapasok ang kung anu-anong nakakatakot na kuwento o ‘yung horror at ghost stories. Nakasalampak kayo sa sahig at nakahilera ng pabilog habang pinapakinggan kuwento ng kasama mo habang tumatayo na ang balahibo mo sa nerbiyos pero hindi mo lang pinahahalata para magmukhang matapang sa kabila ng mga nagsusumigaw na pangitain sa iyong imahinasyon at ga-munggong pawis sa iyong bumbunan. Mas masaya at “spooky” pa kapag wala kayong sinding kandila habang nagtatakutan para magkaalaman talaga kung sino ang matapang. Pero para sa mga bata, pinaka-gasgas pero effective na panakot ay ang multo sa flashlight. Ito ‘yung itatapat mo lang ‘yung ilaw ng flashlight sa baba (chin) mo at pumuwesto sa isang madilim na lugar habang nakangisi. Mukha ka nang multong manyakis!

Pero kung ayaw mo ng katatakutan, meron din namang kilig moments lalo na kapag kasama mo ‘yung crush mo sa gabing walang ilaw. Maglaro lamang kayo ng Truth Or Dare gamit ang pinaiikot na bote sa gitna ng mga nakaupong tao sa sahig upang malaman kung sino ang gagawa ng truth o dare. Sigurado akong alam n’yo na ang larong ito.

Isa sa pinakamalaking problema ng mga bata noon kapag walang kuryente ay ang bentilador. Hindi tayo mapakali at init na init na para bang nalalapit na ang paghuhukom. Naaalala ko noong bata pa ako at meron pa kaming sasakyan. Kapag nawawalan ng kuryente sa gabi eh doon kami natutulog sa loob ng sasakyan para hindi mainit. May aircon kasi eh! Subukan n’yo ring gawin ito minsan. Siguraduhin lamang na merong sapat na gasolina ang inyong sasakyan at gumagana ang aircon nito. Baka mamaya doon nga kayo sa loob natulog tapos binuksan lang ninyo ‘yung bintana ng sasakyan. Sino’ng baliw? At s’yempre naman, kailangang meron kayong sariling sasakyan. 

Naaalala ko rin noong nagkaroon ng matinding bagyo nung late 90s (hanep ang dami kong naaalala, ang tindi ng memorycard ko). Masyadong malakas ang hangin kaya tatlong araw at gabi nang walang kuryente. Papasok na ang tubig sa loob ng aming bahay kaya hindi magkandaugaga si inay sa paglikas ng mga kagamitan upang hindi ito mabasa. Wala noon si itay kaya si inay lamang ang gumagawa noon. Kami ni utol, walang inatupag kundi maglaro, magharutan at mag-ingay. Napuno si inay. Wala na nga kaming naitutulong, naghaharutan pa kami. Tameme kami noon ni utol. Mangiyak-ngiyak na nga s’ya noon. Salubong na kasi ang kilay ni inay at alam naming galit na siya. Bumalik lang ‘yung sigla naming nang dumating ‘yung tito ko. At noong mga oras na ‘yun, wala s’yang ngipin – in short, bungal! Unang beses lamang namin s’ya nakitang walang ngipin kaya tawa kami nang tawa pagkaalis n’ya (sabi sa inyo mababaw ang kaligayahan namin eh)! Ewan ko kung naiwan lang n’ya sa bahay ‘yung pustiso n’ya o baka nahulog sa baha at hindi na nagawang hanapin pa dahil walang ilaw noon. Pero laugh trip talaga kami ni utol noon at hindi na rin kami napigilan ni inay sa kakabungisngis!

Marami mang pang-alis ng pagkainip, meron pa ring isang huling hirit. Kapag nagkailaw na, maghanda ka na ng isang malaking cake at isang milyong piraso ng balloons dahil tiyak na may magaganap na isang worldwide birthday celebration! Ang official universal song kasi pagkatapos ng kalunos-lunos na brownout ay ang “Happy Birthday To You”. Asahan mong mag-uunahan ang mga batang paslit sa pagpatay ng kandila sa pamamagitan ng pag-ihip sa apoy nito habang umaawit ng mas mabilis na bersiyon ng “Happy Birthday To You”. Naalala ko dati (eto na naman ang memorycard ko), mag-aaway pa kami ni utol o kaya ng mga kalaro ko kapag naunahan ang isa sa pag-ihip ng kandila. Kaya sisindihan ito ulit at hihipan kaagad, mapagbigyan lamang ang batang naargabiyado. Aminin mo, ganito ka rin noong bata!

Hindi ko alam kung anong hiwaga meron sa pagkakaroon ng brownout pero sa panahong ito, naisip kong ang dami talaga nating nagagawang bagay, nadidiskubreng eksperimento, at nabubunyag na sikreto, na taliwas sa mga nakasanayan na nating gawain kapag meron nang kuryente.

Ang dami kong naiisip na libangan dati pero ngayon ay nakalimutan ko na. Kayo? Anu-ano ang happenings sa inyo kapag walang kuryente? Pero alam n’yo ‘yung pakiramdam na may kuryente nga, hanep naman sa bagal ng internet connection kaya merong ibang site na hindi bumubukas? Ito ‘yung nararamdaman ko ngayon eh (hanep, dami kong reklamo)!

(Dito ko nga pala nakuha ang larawan. Hanep!)

Nagkaroon ba kayo ng mumurahing spaceship noong bata?

Para sa mga kabataang lalake, wala nang mas hihigit pa sa pagkakataong magkaroon ng isang laruang tulad ng robot at spaceship. Ito kasi ang maituturing na pinaka-pangkaraniwang laruan ng mga totoy noon, bukod pa sa bola o basketball, at s’yempre liban na rin ang mga kabataang lalake na may pusong babae pero ibang usapan na ‘yon. Astig pa kung hindi pangkaraniwan ang laki ng robot o spaceship mo. Mas astig kung naigagalaw pa ang mga parte nito tulad ng paa, kamay, at pakpak, at maaari pang i-costumize ito. Pero mas bibida ka sa mga kumpare mong bata kapag ang robot mo ay ‘yung nata-transform na spaceship at vice-versa. At kung sasamahan mo pa ng realistic na sound effects ang paglalaro ng mga robot at spaceship gamit ang mahiwaga mong boses, tipong mapapa-“tugsh! tuugsh!” ka kapag halimbawa’y sumusuntok ang bidang robot at mapapa-“weeeeeng! woosssssh!” kapag lumalanding naman ang spaceship, with matching talsik pa ng laway dahil emote na emote ka sa paglalaro – aba eh ikaw na ang hari ng mga laruan at ng mapaglarong imahinasyon!

Ang pagkahumaling ko sa mga laruang spaceship noong bata pa ako ay halos kapantay din ng pagkahilig ko sa mga robot. Ang pinagkaiba lang siguro ay hindi ako mahilig magdrowing ng mga spaceship noon, ‘di tulad ng mga robot na naglaan pa ako ng isang maliit na notebook para lang sa mga drowing ko (nabanggit ko na ito sa Combatron post ko). Hindi man ako mahilig sa mga sasakyang panghimpapawid tulad ng mga spaceship (hindi tulad ng tatay ko na mahilig sa mga eroplano, katunayan ay meron s’yang toy airplane collection na sinimulan n’yang kolektahin noong estudyante pa s’ya, at hanggang ngayon ay nakatago pa rin sa bodega, kinakalawang na ang iba at merong natutuklap na ang pintura sa sobrang kalumaan pero iniingatan pa rin ito ni itay, prized possession ito para sa kanya at akala mong ginto kung ituring), masasabi kong mas nagustuhan ko ang mga laruang spaceship lalo na ‘yung mga binebenta sa mga ukay-ukay, palengke at sa gilid ng simbahan kapag malapit na ang fiesta.

Napaka-imposibleng isipin ang isang palengke, tiangge, at ang mga gilid ng simbahan sa nalalapit na kapistahan na walang tindang laruan. Halos lahat ng mga produkto ay nilalako dito sa bagsak-presyong halaga tulad ng mga pagkain, damit, at kung anu-ano pa, kaya hindi maaaring mawala ang mga laruan dito tulad ng mga mumurahing spaceship. Madalas itong kasamang binebenta ng Water Game na minsan ko na ring naidaldal sa blog na ito. At dahil bagsak-presyo nga, mabibili mo ang mumurahing spaceship sa napakamurang halaga (tipong mapapamura ka na lang sa sobrang mura! Biro lang). Sa tantiya ko ay hindi ito lalagpas ng beinte pesos noon. Ito ay bagamat imported ang halos lahat ng laruang spaceship na ito na nagmula pa sa China o Japan. At kahit maliit lang ito ay gumagalaw ang lahat ng parts nito na s’yang naging dahilan kung bakit popular s’ya sa amin noong elementary.

Dalawang beses akong nakatanggap ng mumurahing spaceship sa eskwela. ‘Yung isa, kulay blue ang kahon na may stripes ang design at niregalo ng kaklase ko sa Christmas Party noong elementary. ‘Yung isa, kulay maroon ang kahon, kulay itim ang mismong spaceship pero mabilis sumuko sa labanan dahil madaling nasira at niregalo ng kaibigan ko noong Closing Party namin. Elementary talaga ‘yung mga panahong masaya pa kayong nagbibigayan ng mga laruan at regalo para ipagdiwang ang Kapaskuhan. Pati ‘yung guro ay binibigyan natin ng regalo (s’yempre hindi spaceship), pampasipsip para tumaas ang grado kumbaga. S’yempre, tuwang tuwa ako kapag nakakatanggap ako ng mga ganitong klase ng laruang spaceship kahit na alam kong pare-pareho na akong merong ganoon sa bahay.

Dahil sa mga palengke at ukay-ukay lang nabibili ang mga laruang tulad nito at hindi sa mga mamahaling toy stores sa mga mall, madalas ay sira-sira at naliligo sa alikabok ang mga kahon nito. Minsan ay meron pang scotch tape sa ilalim ng kahon para hindi lumusot ang spaceship. Ang dami kong mumurahing spaceship dati, pero lahat eh hindi tumagal sa akin, at mas nauna pa ng ‘di hamak na masira ang mga kahon. At minsan eh pinagkakaguluhan din ang mga ganitong spaceship bilang premyo sa mga palabunutan. Suwertihan lang talaga para makuha mo ang nag-iisang inaalikabok na spaceship na ito.

Ang maganda sa mumurahing spaceship na ito ay napakadali lang buuin dahil merong instructions sa likod ng kahon (minsan nasa loob ng kahon ‘yung panuto. Naks Tagalog na Tagalog) kaya mabubuo ito kahit ng mga bata mismo. Isa pa, meron itong kalakip na stickers. Desisyon mo kung saan mo gustong idikit ang stickers na ito sa alin mang parte ng spaceship. Pero pwede ring huwag mo na lang idikit sa spaceship at sa halip ay lokohin mo na lang ang kalaro mo at dikitan s’ya ng maraming stickers sa buhok!

Meron akong palagay na ginawa ito ng mga Intsik at Hapon upang makahikayat ng mga manonood sa kanilang mga cartoons na may pagka-“robotic” ang theme tulad ng Voltes 5, Daimos, Mazinger Z, Challenge Of The Go-Bots, Transformers, Voltron, at Combatron (biro lang). Dito kasi magaling ang mga Intsik. At isa pa, ito ‘yung mga panahong malaya pang nakakapasok ang mga gawang Intsik dito sa Pilipinas dahil ligtas pa noon ang mga ito, ‘di tulad ngayon na pati ang mga walang kamalay-malay na laruang pambata ay napapabalitang may mga nakalalasong kemikal. O ‘di kaya matagal nang may mga nakalalasong kemikal ang mga laruang ito at ngayon lang natin nadiskubre dahil sa kakulangan ng sapat na kaalaman tungkol dito?

Hanep. Ang dami ko na naman sinabing kabulastugan. Tuuugsh! Woossssh!

Kilala mo ba ang mga pinakasikat na Pinoy rappers noong early 90s?

Malaki ang silbi ng musika sa emosyon ng bawat isa sa atin. Ang pakikinig dito ay isang mabisang paraan upang makalimutan ang mga problema, makapag-relax at makapag-unwind, makapaglabas ng sama ng loob, makapagpahayag ng nararamdaman, at masabi ang hindi kayang sabihin sa isang simpleng usapan (at mukhang pare-pareho lang ‘yung huling tatlo). At isa sa mga popular na uri ng musika sa Pilipinas ay ang rap music na unang pinasikat ng mga Amerikano noong 1980s. Kabilang sa mga popular na rappers noong dekada otsenta sina LL Cool J, Beastie Boys, Run DMC, at iba pa. Si Vanilla Ice na nakilala dahil sa kantang “Ice, Ice, Baby” at si MC Hammer na umawit ng “Pray” ay sumikat noong mga unang taon ng dekada nobenta.

Dahil sa bagong estilo ng awitin na ito na pinasikat ng mga Kano at Afro-Americans, naimpluwensyahan nito ang mga Pinoy. Kung ang mga Kanong rapper ay walastik sa pag-iisip ng kung anu-anong bagay o salita na maaaring isingit sa kanilang nickname o rapper name tulad na lamang ng halimaw (Beastie Boys), pagtakbo (Run DMC), martilyo (MC Hammer), yelo (Ice T), malamig na yelo (LL Cool  J), at yelong may flavor (Vanilla Ice), at kahit ‘yung mga rappers ng bagong milenyo ay ganoon din dahil meron sa kanilang barya-barya lang ang puhunan (50 Cent), merong mahilig sa gisantes (Black Eyed Peas), merong doktor (Dr. Dre), at meron ding mahilig sa tsokolate (“Eminem” milk chocolate. Melts in your mouth, not in your hands. Biro lang), aba siyempre hindi magpapatalo ang lahing palaban. Dito naman sa atin eh nauso noon ang “one-letter surname” o ‘yung pagso-shortcut ng apelyido ng rapper gamit lamang ang isang letra. At huwag ninyo silang babalewalain dahil kahit sila ang nagmamay-ari ng pinakamaikling apelyido sa Pinas, sila pa rin ang maituturing na haligi ng rap music dito sa ating bansa.

Noong pumasok ang dekada nobenta, tatlong rapper ang sumikat dito sa Pilipinas. Kilala mo pa ba sila?

 

“Mga kababayan ko, dapat na malaman n’yo, bilib ako sa kulay ko, ako ay Pilipino. Kung may itim o may puti, meron naming kayumanggi. Isipin mo na kaya mong abutin ang ‘yong minimithi.”

Hindi ko na kailangan pang makipagtalo kapag sinabi kong walang hindi nakakakilala sa kanya. Siya si Francis Magalona. Francis Michael Durango Magalona ang tunay na pangalan pero mas nakilala bilang si Francis M (eto na ‘yung sinasabi ko kanina. Sa unang letra: letrang M!). Nagsimula s’ya bilang isang breakdancer noong 1980 at nakasama rin sa ilang pelikula tulad ng “Bagets 2” at “Iputok Mo, Dadapa Ako” with Bossing Vic Sotto (na super payatot at makapal pa noon ang buhok) noong 1990. Noong taon din na ‘yun (1990) ni-release ang kanyang kauna-unahang album na “Yo!”. Kabilang sa album na ito ang mga awiting tulad ng “Man From Manila,” “Gotta Let ‘Cha Know,” “Cold Summer Nights,” at ang “Mga Kababayan” na talaga naming nagpakilala sa kanya bilang hari ng Pinoy rap. Dahil din sa kantang ito kaya nakilala ang isang uri ng rap na tinatawag na “nationalistic rap,” o mga awiting rap na nagpapahayag ng pagiging makabayan.

Sa pagkakaalam ko ay si Francis M din ang nagpauso ng “gupit-rapper” noong 90s. Ito ‘yung hairstyle na halos isang dangkal na ‘yung taas ng ahit sa gilid at kung minsan ay inuukitan pa ng kung anu-ano (tulad ng “peace sign” at salitang “Yo!” na makikita mismo sa buhok ni Francis M kung napanood mo ang pelikula n’ya noong 90s). Ang tuktok na bahagi naman ng buhok ay parang sinagasaan ng pison sa sobrang flat. Hindi lang ako sigurado kung sino sa kanilang dalawa ni MC Hammer ang unang nagpauso ng mala-puruntong na pantalon o baggy pants o super duper luwang na elephant pants (super duper kasi sobrang luwang talaga, siguro kasya ang binti ng sampung katao), o kung ano man ang tawag sa fashion na ‘yun. Maaari ding baka nag-usap silang dalawa at napagkasunduang pareho na lang nilang pausuhin ang ganoong estilo ng pananamit kaya huwag na natin silang pakialaman.

Masasabi kong si Francis M ang pinakauna kong inidolong mang-aawit. Ang album n’yang “Yo!”  ang pinakauna kong naging cassette tape noon. Paborito ko ang “Mga Kababayan” at lagi ko itong pinapatugtog sa aming lumang stereo. Kung tutuusin, pakiramdam ko eh “Mga Kababayan” lang ang track sa tape na ‘yun. Kung sabagay, halos kapapanganak pa lang sa akin noong mahiligan ko ito kaya wala akong paki sa ibang kanta noon, basta sikat, nagustuhan ko na. Pero nakakatuwang isipin na nakabisado ko ang lyrics ng kantang ito kahit na sinliit pa lang ako ng fetus noon, liban lang doon sa part na mabilis ang pagra-rap ni Francis M.

  Hindi naman lingid sa atin na sumakabilang buhay na ang hari ng Pinoy rap noong taong 2009 dahil sa sakit na leukemia. Pero magpahanggang ngayon ay nananatili pa ring buhay ang kanyang mga iniwang alaala at habambuhay s’yang magiging Master Rapper na iniidolo ng mga kabataan at maipagmamalaki ng bansang Pilipinas.

“O ano, ayan kasi ang hihilig n’yo kasi sa magagandang babae, ang hihilig n’yo ksi sa magagandang lalake. O ano ang napala n’yo, eh ‘di wala. Kung ako sa inyo, makinig na lang kayo sa sasabihin ko. Humanap ka ng panget at ibigin mong tunay. ‘Yan ang dapat mong gawin kaya makinig ka sa akin and it goes a little something like this… Kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, humanap ka ng panget at ibigin mong tunay. Isang panget na talagang ‘di mo matanggap at huwag ang babae na iyong pangarap. Ngunit kung bakit ko sinabi ‘to’y simple lang ‘pagka’t magagandang babae ay naglalaro lang ng ‘yong oras, pagod, hirap at salapi ngunit handang-handang iwanan ka naman sa sandali kapag ikaw ay wala nang mabigay ‘di ba? Kaya panget na babae ang hanapin mo ‘day. At kung hindi, sige ka, puso mo’y mabibiyak. Mawalay man ang panget, hindi ka iiyak!” 

Hanep. Kabisado ko pa rin pala ang ilang parte ng kantang “Humanap Ka Ng Panget”. Oo, ipinagmamalaki kong walang kopyahan ‘yan kaya baka merong mali. Pero hindi na importante ‘yun.

Nakilala ang kantang “Humanap Ka Ng Panget” noon ding taong 1990 at ang nagpasikat nito ay walang iba kundi si Andrew Espiritu o kilala sa pangalang Andrew E (ikalawang letra: letrang E!). Bago pa man naging tanyag ay una siyang nakilala bilang isang disc jockey (DJ) sa Euphoria, isang popular na club noon. Matapos i-release ang kanyang single ay lalo pa siyang sumikat at nagkaroon ng iba’t ibang pelikulang komedya na kanyang pinagbidahan tulad ng “Manchichiritchit,” “Pitong Gamol,” “Alabang Girls,” “Megamol,” “Row 4: Ang Baliktorians,” “Mahirap Maging Pogi,” “Burlesk King Daw O!,” at marami pang iba, na halos lahat gawa sa Viva Films at tumabo pa sa takilya.

Kung si Francis M ay sumikat dahil sa pagiging nationalistic ng kanyang mga kanta, si Andrew E naman ay nakilala dahil sa dirty rap o wholesome rap o mga kantang merong ibang kahulugan o double meaning. Isipin mo na lang kung ano ang pumasok sa utak ni Andrew E at gumawa s’ya ng mga awiting tulad ng “Bini B. Rocha,” “Pink Palaka,” “Banyo Queen,” “Jinompet,” at “Sinabmarin”. Isama mo pa d’yan ang nakakakiliting lyrics ng awiting “Andrew Ford Medina” at “Alabang Girls”  (pindutin na lang ang mga titulo nang makita ang lyrics sa kantang ‘yan).

Kung si Francis M ang pinakapaborito kong mang-aawit noon, masasdabi kong ang awiting “Humanap Ka Ng Panget” naman ang naging paborito kong dance step noon. Hindi ko alam kung ganoon talaga ang dance step o baka pauso lang namin ng mga kalaro ko ‘yung dance step nito na madalas naming sayawin kapag merong children’s party o kaya kapag magpapasikat kami sa mga uncle at auntie namin para mabigyan kami ng Juicy Fruit Gum o Bazooka Bubble Gum. Ang dance step na nakasanayan namin ay ‘yung parang “Running Man” at sasamahan mo ng galaw ng dalawang kamay na nakasarado ang kamao at parang sumusuntok ka sa lupa (basta intindihin n’yo na lang).

 Ayon sa aking masusing pananaliksik (naks) sa Wikipedia (laging doon naman), napag-alaman kong nagwagi pala si Andrew E ng “Rap Album Of The Year” nito lang 2010 para sa kanyang latest album na “Clubzilla.” Kung ako ang inyong tatanungin eh wala akong alam na kanta doon kaya mabuti pang magsaliksik na lang din kayo sa internet (kung gusto n’yo).

 

Maaaring mabigla kayo dahil sinama ko ang artistang si Michael V (ikatlong letra: letrang V!) na nakilala bilang isang mahusay na komedyante. Pero para sa mga hindi nakakaalam, una s’yang sumikat bilang isang kompositor at mang-aawit. Siya si Beethoven Del Valle Bunagan sa tunay na buhay (kaano-ano kaya n’ya ang pamilya Del Valle sa “Mara Clara”? Biro lang).

Noong sumikat ang awiting “Humanap Ka Ng Panget” ni Andrew E, naisipan ni Michael V na gumawa ng kantang kokontra sa awiting ‘yun kaya nabuo ang “Maganda Ang Piliin (Ayoko Ng Panget)” ka-duet ng kaibigan at rapping partner na si Dianne. At tulad ng inaasahan, sumikat hindi lamang ang awiting ‘yun kundi pati na rin si Michael V at nakasama pa siya sa ilang mga pelikulang komedya tulad ng “Mama’s Boys,” “Rubberman,” “Anting-Anting,” “Sinaktan Mo Ang Puso Ko,” “Si Ayala At Si Zobel,” “Bitoy Ang Itawag Mo Sa Akin,” at marami pang iba.

Naaalala ko noong kasikatan ni Michael V bilang isang rapper, ‘yung pinsan kong utal-utal (kung nagbabasa kayo ng mga kuwento ko ay marahil alam n’yong nababanggit ko na ang pinsan kong ito) ay tinutukso naming Michael B. Hindi naman s’ya magaling magpatawa at lalong hindi magaling mag-rap o kumanta. Binansagan lang naming s’yang Michael B dahil mahilig s’yang magpalipad noon ng saranggola o burador sa bukid kaya tinawag s’yang Michael B as in “burador”. Michael Burador na taga bukid. Ayos!

+++++++

Sila ang mga sikat na Pinoy rappers noong dekada nobenta. Mga mang-aawit na walang ibang hangarin kundi magpahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng isang makapangyarihang sandata ng pakikipag-usap, ang musika.

Eto naisip ko lang: Ano nga kaya kung nagkaroon noon ng batas na nagsasabing isang Pinoy rapper lamang ang allowed sa bawat isang letra? Kung 26 lahat ng letra sa English alphabet (hindi kasama ang “ñ” at “ng”), bale 26 rappers lang ang mapo-produce ng Pilipinas. Hanep! Okay, sabaw ito kaya huwag na lang pansinin.

Siya nga pala, tawagin ninyo na lang akong Alden F. Break it down, y’all!!!

Yikes. \m/\m/

Page 1 of 36
Alternative Theme by maggie. Powered by Tumblr.