Alden. Filipino blogger. Book lover. PBA freak. Murakami fan. Cheeseburger and chocolate junkie. Rock music enthusiast. Romina Ann Santos Doria's.

Popular tags:

basketball | bob ong | books | coldplay | edgar calabia samar | eraserheads | eros atalia | foods | franco | kikomachine komix | haruki murakami | nostalgia | one liners | pba | pinoy | pugad baboy | pupil | random facts | random music | random photos | random things i fancy | random thoughts | relevant lines | song typos | taken by cars | typecast | urbandub

Read the Printed Word!

Free Hit Counter

Naaalala mo pa ba ang makukulit na hirit ng trio ng “Whattamen”?

"Sa panahon ngayon, itsura na lang ang habol ng tao."

Ang quote na ito ay nabasa ko sa Twitter. Kung iisipin, parang totoo ‘di ba? Naniniwala ka ba dito? Pero okay lang naman kung hindi mo ‘yan sagutin dahil hindi naman talaga importante ang opinyon ninyo at opinyon ko hinggil sa katanungang ‘yan dahil sa totoo lang eh ibinahagi ko lang ang nabasa kong ito sa Twitter para magkaroon ng magandang panimula ang kuwento ko ngayon (as always). Pero aminin man natin o hindi, kapag pogi o maganda ang isang tao, malaking bentahe ito laban sa lahat na para bang sa itsura na lang talaga nagkakatalo ang magiging desisyon ng bawat isa sa mundong ito. Sa panahon ngayon, itsura na lang din ang puhunan. Kapag pogi at maganda – angat! Kapag panget at mukhang pugita – ligwak!

Noon pa man, itsura na ng mga artista ang pamantayan lalo na ng iba’t ibang mga programa sa telebisyon. Kung isa kang bruskong lalake na balbasarado, malaki ang katawan, parang laging may menopause at galit sa mundo, trigger happy at laging magkasalubong ang kilay na parang mag-bestfriend, tipikal kang nababagay sa pelikulang aksyon, at kung babae naman ay ikaw ang ginagawang pangunahing kontrabida sa isang soap opera. Kung may pagka-iyakin ang artista na halos manganak na ng perlas ang mata, bagay sa drama. Kapag walang itsura pero magaling umarte at OA kung makasigaw, sa horror ang bagsak mo. At kapag wala kang itsura at ang tanging alam mo’y magmukhang katawa-tawa sa madla, comedy ang proyektong nararapat sa isang tulad mo.

Nauso ang tinatawag na bagong sibol ng mga sitcoms noong dekada nobenta. At kapag sinabing sitcoms noong dekadang ‘yan, pawang mga komedyante lang talaga ang karaniwang mapapanood mo. May Home Along Da Riles si Dolphy, may Okay Fine! Whatever si Bayani Agbayani, may Okay Ka, Fairy Ko! si Vic Sotto (bagamat may halong fantasy ito). Kumbaga, ang mga komedyante lang ang para bang may karapatang magpatawa sa industriya noon.

Pagpasok ng dekada 2000, naging versatile ang mga artista at programa sa telebisyon. May mga action stars na biglang napanood sa mga teleserye tulad nina Robin Padilla sa Basta’t Kasama Kita at Rudy Fernandez sa (ano nga ba ang title ng teleserye ni Daboy sa GMA 7? Twin Hearts ba ‘yon?). Ang mga mahuhusay na artistang nagpatulo ng luha sa atin ay nagkaroon ng sitcom tulad ni Aga Muhlach sa Oki Doki Doc. Ilan lang ‘yan sa mga halimbawa ng versatility ng mga artista at programa sa telebisyon sa bagong milenyo. May mga komedyanteng nakipagbarilan, action stars na naghubaran, maton na nagladlad, child star na napariwara ang landas at kung anu-ano pa. Halu-halo, labu-labo!

Nakilala sina Rico Yan, Marvin Agustin at Dominic Ochoa noong dekada nobenta bilang mga matinee idols na kinakitaan ng potensyal pagdating sa acting. Sino ba naman ang hindi makakalimot sa Mula sa Puso ni Rico Yan, Loves Ko Si Babes ni Marvin Agustin at mga teleseryeng kasama si Dominic Ochoa (dahil sa totoo lang, halos puro pang-supporting cast lang itong si Dominic dati. Minsan eh ka-love triangle ni Rico kay Claudine, o kaya eh magpapagulo sa pamatay na bangs nina Marvin at Jolina). Unang nakilala ang samahan ng tatlong ‘yan nang mapasama sila bilang mga host ng Magandang Tanghali Bayan sa ABS CBN. Dahil na rin nag-click sa masa ang pagpapacute nila tuwing tanghali, naisipan ng Kapamilya Network na ilagay sila sa sitcom. Dito isinilang ang Whattamen, isang sitcom na pinagbibidahan ng tatlong matinee idols na tinitilian ng mga bebot at nagpapaiyak sa mga nanay natin noon tuwing primetime bida.

Pero ano nga ba ang silbi ng isang sitcom kung ang mga bida eh hindi naman kilala sa pagpapatawa tulad ng tatlong ito? Dahil dito, naisip ng ABS CBN na isama sa cast ng Whattamen ang comedy concert queen na si Ai-Ai de las Alas (ng Tang Ina! este, Tanging Ina Mo!) para nga naman may komedyante talaga sa sitcom at hindi puro pagpapapogi ang atupagin ng tatlong itlog. Pamoso ang maikling buhok ni Ai-Ai dito na kulay pula (makikita sa larawan) na may ka-ternong bulaklaking ipit. Naaalala ko, bagong lipat lamang si Ai-Ai sa ABS CBN noon mula sa GMA 7 at talaga namang nabigyan siya ng break sa Whattamen bilang si Vicky.

Hindi naman bago sa panlasa ng Filipino viewers ang plot ng Whattamen. Sa pagkakaalam ko, sina Castro (Rico Yan), Matti (Marvin Agustin) at Ernest (Dominic Ochoa) ay para bang mga makukulit na pamangkin ni Vicky na para bang masungit na dragon at nakikituloy sa kanyang bahay. Ewan ko kung tama ang pagkakaalala ko, basta ganoon ‘yung scenario – tatlong makukulit na lalake at isang masungit na babae na nagsasama sa iisang bubong. Si Matti ang laging api-apihan dahil s’ya ‘yung probinsyano sa kanilang tatlo.

Isa ang Whattamen sa mga masasabing nag-set ng bagong trend sa lahat ng pagpapatawa. Sa tingin ko, ito ‘yung nag-umpisa sa ABS CBN ng mga sitcom noong dekada 2000 na hindi talaga mga komedyante ang bida. Sa Whattamen nagsimula ang tatawagin kong “pogi sitcom”. Pagkatapos n’yan, gumawa pa ang ABS CBN ng pambabaeng bersyon ng Whattamen at tinawag itong Attagirl. Ito ‘yung Sex And The City wannabe ng Dos noon. Nakalimutan ko na ang mga bida sa "kikay sitcom " na ito. Si Andrea Del Rosario at Jessa Zaragoza lang ang naaalala kong kasama sa cast ng Attagirl. Pinaka-naaalala ko sa Attagirl eh ‘yung walang sound effect ng tawa ng audience ang sitcom nila. Naririnig n’yo naman siguro ang ganito tuwing may sitcom, ‘di ba? Yun bang parang may background sound ng audience talaga na nagrereact at trumatawa sa bawat punchline ng mga artista sa programa. Weird para sa akin ‘yung ganoon at para bang kanin na walang ulam at taong walang pangalan ang mga ganitong klase ng sitcom – may kulang na elemento para mas maging katawa-tawa at nakakaengganyo ang mga ito.

Subalit hindi lang d’yan nagtatapos ang maliligayang gabi ng mga pogi at kikay sitcoms. Pinauso din ng Dos ang tatawagin ko namang "poging palaka sitcom" — isang programang katatawanan na ang mga bida ay mukhang palaka sa laki ng mga katawan. Sino nga ba ang hindi makakaalala sa "Bora: Sons of the Beach", isang sitcom na pinagbibidahan ng The Hunks (biglang magugulat ang lahat dahil akalain n’yong nagkaroon pala ng sitcom ang limang ‘yan) kahit na sa totoo lang eh walang nag-akalang mapapasabak sila sa sitcom at kuntento na ang mga manonood na marinig ang mga sintunado nilang boses sa A.S.A.P. tuwing Linggo? Bagamat hindi gaanong nagtagal sa ere, sigurado akong panandaliang tinilian ng mga kababaihan at ng mga bayot ang mga ga-pandesal na abs at naghihimutok na ’maskels’ ng The Hunks tuwing primetime.

Nitong nakaraang Huwebes, March 29, ipinagdiwang ang ika-sampung anibersaryo ng pagkamatay ni Rico Yan. Sampung taon na ang nakakaraan, nagkaroon ng special episode ang Whattamen bilang pag-alala sa namayapa nilang katrabaho. Sa tingin ko, ito na rin ang pinaka-hindi malilimutan at pinaka-nakakaiyak na episode ng Whattamen. Hindi comedy skit ang ginawa nila sa episode na ito, bagkus ay special episode na mala-musical variety show ang nangyari kasama ng ilang special guests at mga malapit na tao sa buhay ng pamilya ni Rico Yan. Inalala nila ang mga masasayang moments ni Rico Yan sa set ng Whattamen. Lahat ng kasama sa cast ng programa ay nag-iyakan. Para mas makatotohanan, ang special episode na ito ay ginawa mismo sa set ng Whattamen (partikular sa sala ng bahay ni Vicky).

Kung hindi ako nagkakamali, Miyerkules ng gabi ito pinapalabas noon pagkatapos ng hilera ng mga teleserye ng ABS CBN. Ganoon ang line-up ng mga programa sa primetime bida ng Dos sa pagpasok ng dekada 2000 – pagkatapos ng balitaan sa TV Patrol, kasunod ang tatlong teleseryeng tig-tatatlumpung minuto na pinagbibidahan ng primetime princesses noon na sina Kristine Hermosa, Claudine Barretto at Judy Ann Santos (at kapag pinagsama-sama mo ang mga titulo ng teleserye nila eh makakabuo ka na ng diwa: “Pangako sa ‘yo, sa dulo ng walang hanggan, sa puso ko’y iingatan ka.” Oha!), na susundan naman ng isang sitcom o drama anthology, pagkatapos ay evening news naman. Kaya pagdating ng mga alas dose pa lang eh mga programa na ng news and current affairs na ang mapapanood mo. Hindi tulad ngayon na halos kinakalabit ka na ng kaibigan mong eyebags at inaakit ka na ng amoy laway mong kama para matulog pero hindi mo pa nasisilayan ang ikalawang bugso ng maiinit na balita sa gabi.

At s’yempre, ikukuwento ko ba ang programang ito kung hindi ako nahumaling sa panonood nito? Aaminin kong isa sa naging paborito kong sitcom noong simula ng dekada 2000 ang Whattamen pati na rin ang Okay Fine! Whatever. Sa totoo lang, medyo nakaugalian ko ring i-record ang bawat episode ng dalawang sitcom na ‘yan gamit ang blank cassette tape (bale ‘yung sound lang ng episode ang nirerecord ko. Tipong nakikinig ng drama sa radyo. Kanya-kanyang trip daw). Ewan ko nga lang kung nasaan na ‘yung cassette tape ko ng mga recordings ng sitcom. Kung mahanap ko man, balewala na rin dahil wala na kaming cassette player dito sa bahay (<*lupasay!*> ‘de, joke lang).

Kahit wala na si Rico Yan ay nagpatuloy pa rin ang buhay para sa Whattamen. Napagpasyahan nilang isama sa cast sina Vhong Navarro (as Elton), Dennis Padilla at Joyce Jimenez. Riot pa rin ang naging resulta, pero ika nga nila, iba pa rin ang orihinal na trio ng Whattamen, ang trio na nakilala bilang mga matinee idols at nauwi sa pagpapatawa tuwing gabi. Pagkatapos ng ilan pang season ay tuluyan na ring namaalam sa ere ang Whattamen. Babayoo!

Halos sampung taon na rin ang nakakalipas nang huli nating mapanood sa ating mga telebisyon ang Whattamen. Kahit na nagkaroon na ng iba’t ibang landas sina Dominic Ochoa at Marvin Agustin ay masaya pa ring alalahanin ang mga panahong ang mga simpleng patawa nila ay kinaaaliwan natin. Ang kakaibang panlasang inihatid ng Whattamen sa larangan ng pagpapatawa ay maituturing na isang breakthrough sa ABS CBN na sumubok sabayan ang nagbabagong panahon at paiba-ibang timpla ng mga manonood.

Sa kwelang sitcom na ito, napagtanto ko rin na hindi porke’t guwapo o maganda ang artista eh magaling na ito, at hindi porke’t magaling ang isang artista eh guwapo o maganda na ito. At ang kakayahan at kahusayan ng isang artista ay nasusubukan sa kung paano s’ya nakakapag-adjust sa iba’t ibang genre na taliwas sa nakasanayang panoorin ng mga tao.

(Samantala, kung nais ninyong panoorin ang opening theme ng Whattamen, pindutin ang inyong tigyawat sa ilong.)

  1. medyomatakaw reblogged this from memorykill
  2. michellewisco reblogged this from memorykill
  3. onederare reblogged this from memorykill
  4. bayan-ni-juan reblogged this from memorykill
  5. thetchiwakels reblogged this from memorykill
  6. probinsiyano said: paborito ko toooo
  7. chelseabandong said: Naalala ko pa yung kanta ng sitcom na yan. seriously. pati yung kay Robin noon. Ewan ko ba. Ang hot non ni Dominic. Hahaha!
  8. memorykill posted this